PAIIGTINGIN ng Pilipinas at Estados Unidos ang kanilang Balikatan Exercise sa susunod na taon.
Ito ang tiniyak ni AFP Chief of Staff General Jose Faustino Jr. sa isinagawang 2021 Mutual Defense Board and Security Engagement Board (MDB-SEB) sa Camp Aguinaldo.
Ayon kay Faustino, magiging “full scale” ang gagawing Balikatan Exercise ng mga sundalo.
Magkakaroon din aniya ng “observer” mula sa iba pang mga bansa at posibleng lumahok ang United Kingdom.
Kasabay nito, tiniyak ni U.S. Indo-Pacific Commander Admiral John Aquilino na mas malakas ngayon ang relasyon ng US at Pilipinas.
Patunay aniya ang palitan ng impormasyon sa ilang mahahalagang usapin tulad ng counter-terrorism, disaster response at cyber security attack.
Karagdagang Black Hawks, nasa bansa na
Inaasahang lalakas pa ang Philippine Air Force (PAF) sa pagdating ng limang S-70I Black Hawks.
Pinangunahan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang turnover, acceptance, at blessing ng limang helicopters kasama ang apat na Scaneagle Unmanned Aerial Systems (UAS) sa Clark Air Base, Pampanga.
Ayon kay Lorenzana, kakayanin ng Air Force ang day and night tactical heli-lift at combat and non-combat search and rescue operations dahil sa karagdagang helicopters.
Maliban dito, nagkaroon din ng decommissioning sa sampung UH-1D helicopters na nakuha ng Pilipinas noong 2013.