NAG-IKOT si Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff General Andres Centino sa mga lugar na pinagdarausan ng ika-38 Balikatan Exercises sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos sa Northern Luzon.
Si Centino ay sinamahan nina Philippine Air Force Commanding General Lieutenant General Stephen Parreño, AFP Northern Luzon Command (NOLCOM) Commander Lieutenant General Fernyl Buca at iba pang senior staff ng AFP General Headquarters.
Una nilang binisita ang Lal-lo Airfield sa Cagayan, isa sa Balikatan Field Training Exercises staging areas sa Northern Luzon.
Dumalaw rin si Centino sa Marine Battalion Landing Team-10 ng Philippine Marine Corps sa Naval Base Camilo Osias, San Vicente, Sta. Ana, Cagayan.
Habang nagtungo rin ito sa 5th Infantry Division ng Philippine Army sa Gamu, Isabela.
Nabatid na ang Naval Base Camilo Osias sa San Vicente, Sta. Ana, Cagayan, at 5th Infantry Division sa Gamu, Isabela ay kabilang sa 4 na karagdagang EDCA sites na inanunsiyo ng gobyerno.