Baluktot na doktrina ng CTGs, isiniwalat ng mga sumukong dating miyembro

Baluktot na doktrina ng CTGs, isiniwalat ng mga sumukong dating miyembro

MULI na namang nabawasan ang hanay ng mga kalaban ng estado dahil sa sunud-sunod na pagsuko ng mga dati nitong miyembro.

Isang panibagong grupo na naman ang nagbalik-loob sa pamahalaan.

Nasa 26 na mga dating miyembro ng CPP-NPA-NDF ang kusang sumuko sa poder ng pamahalaan dahil sa mga naranasan nitong paghihirap sa loob ng kilusan.

Anila, hindi na nila makayanan ang hirap lalo na’t napagtanto ng mga ito na wala palang katuturan ang kanilang mga ipinaglalaban na karaniwang pagkontra sa pamahalaan.

Si Ka Mildred, labis ang kanyang pagsisi dahil sa kawalan aniya ng kinabukasan sa loob ng kilusan.

 “Ako po ay kumilos ng dalawang dekada sa pakikibaka….ng walang katuturan,” wika ni Ka Mildred, former rebel.

At sa pagpapatuloy ng kanyang testimonya, personal din nitong isiniwalat ang ilang doktrina sa kilusan lalo na laban sa mga kasundaluhan na hindi pala totoong berdugo at mapagsamantala.

 “Tago po kami nang tago,” ani Ka Mildred.

Samantala, sa saliw ng kantang “Ang Bayan Ko”, kasabay ng pagsindi ng kandila, ipinakita ng mga dating rebelde ang kanilang lubos na pagsisisi at ngayo’y pagsuporta nang buo sa pamahalaan sa laban nito kontra insurhensiya.

Para  sa isang dating opisyal ng pamahalaan na isa sa mga nagiging tulay sa sunud-sunod na pagsuko ng maraming rebelde sa bansa, masaya siya sa mabilis na pagtanggap ng pamahalaan sa mga ito.

Ayon kay Raffy Rafanan ng grupong Bayanihan, malayo na ang nararating sa laban ng gobyerno kontra insurhensiya at dapat aniya itong manatili at mapagtagumpayan sa lalong madaling panahon.

“Nakita ko pagod na rin sila… Yan talaga ang actual na nangyayari sa ground,” saad ni Raffy Rafanan, President, KBL and Chairman, Bayanihan.

Sa gitna ng seremonya, tumanggap ang mga benepisyaryo ng tulong-pinansiyal, at pangkabuhayan package para sa kanilang pagsisimula sa buhay.

Kasabay nito ang paalala ng pamahalaan na patuloy ang kanilang panawagan sa mga natitira pang miyembro ng New People’s Army na itigil na ang kanilang walang Diyos na paniniwala at makiisa sa panawagang kapayapaan at malasakit para sa lahat.

Mananatiling nasa monitoring ng mga awtoridad ang mga surrenderees hanggang sa kanilang tuluyang pagbabagong buhay.

Follow SMNI NEWS in Twitter