Bambanti Festival sa lalawigan ng Isabela, all set na

Bambanti Festival sa lalawigan ng Isabela, all set na

HANDANG-handa na ang lalawigan ng Isabela para sa gaganaping pagdiriwang ng Bambanti Festival ngayong taon matapos matigil ang aktibidad ng 2 taon dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19.

Ngunit ngayong taon ay tuloy na tuloy na ang pagdiriwang nito matapos ang ilang buwang paghahanda ng lokal na pamahalaan.

Sa isang pulong balitaan, inihayag ng provincial government ang kanilang kahandaan sa naturang aktibidad na pormal na magsisimula sa darating na Enero 23 hanggang 29, 2023.

Ngayong 2023, tema ng Bambanti Festival ang “Isabela, Pagharap sa Bagong Hamon ng Kinabukasan” kung saan isa ito sa paraan ng pasasalamat sa mga magsasaka dahil sa malaking ambag nito sa lalawigan na naging dahilan  upang makilala ang probinsya bilang isa sa mayamang lalawigan sa bansa.

“This our way of giving thanks to the farmers who our dubbed little heroes sa mga kanayunan, sila ang nagbibigay ng buhay sa ating lalawigan. Kaya hindi natin minamaliit bagkus ipinagmamalaki natin ang mga efforts ng ating mga magsasaka. Dahil kung hindi dahil sa kanila, ang Isabela ay hindi magiging one of the top ten richest provinces of the Philippines,” ayon kay Nilo Agustin, Artistic Director.

Ilan sa magiging highlights ng aktibidad ang pagbubukas ng Bambanti Village Agri-Ecotourism, presentasyon ng mga kandidata sa Queen Isabela, Fun Run, Job Fair, Music Festival at Coronation Night ng Miss Queen Isabela.

Matitikman naman ang iba’t ibang local delicacies ng probinsya sa, “Makan Ken Mainum” hatid ng bawat munisipyo ng lalawigan.

Gayundin ang inaabangang Street Dance Parade Competition and Festival Dance Competition at sa huling araw naman ng pagdiriwang ay ang Isabela Grand Concert at Isabela Grand Fireworks Display.

Samantala, upang masiguro naman na magiging mapayapa at maayos ang mga gagawing aktibidad ay magde-deploy ang kapulisan ng mahigit-kumulang 200 kapulisan na ipakakalat, katuwang ang mga kawani ng provincial security group upang mangalaga sa seguridad ng mga dadalo sa selebrasyon.

“Yong pagdalo ng mga bisita natin hindi lang galing sa ating lawigan kundi galing sa karatig lalawigan natin. Naglaan din ang PNP ng almost 250 personnel para i-disseminate sa syudad ng Ilagan,’’ saad ni Victor Dy.

Inaasahan na rin ang pagdalo sa nasabing aktibidad ng ilang matataas na opisyal ng pamahalaan gaya nina Vice President Sara Duterte at Tourism Secretary Christina Garcia- Frasco.

Follow SMNI NEWS in Twitter