Ban sa paggamit ng single-use plastic sa Naliyagan Festival 2023, matagumpay

Ban sa paggamit ng single-use plastic sa Naliyagan Festival 2023, matagumpay

MATAGUMPAY ang ban sa paggamit ng single-use plastic sa katatapos lamang na Naliyagan Festival.

“It required us to make the plan for 8 months,” pahayag ni Governor Santi Cane, Jr., Province of Agusan del Sur.

Ganyan katagal pinagplanuhan ng Agusan del Sur provincial government ang katatapos lamang na 31st Naliyagan Festival.

Ito ang taunang pasasalamat ng probinsiya sa mga pagpaalala at gabay sa kanila.

Ngunit, bukod sa mga aktibidad at mga artistang bumisita sa probinsiya, highlight sa Naliyagan ngayong taon ang ban sa paggamit ng single-use plastics.

Lalo na ang mga cellophane, bottled water, at mga plastic na kutsara at tinidor.

Ayon kay Governor Santi Cane, ilang buwan ang kanilang ginugol para ikutin ang buong probinsiya upang i-anunsiyo ang pagpatutupad ng polisiya.

Lalo na sa barangay level.

“Meron na po kaming dissemination sa mga local officials, municipal and city levels including sa barangay levels na kapag pumunta kayo sa Naliyagan, ipagbabawal po namin ang mga single-use plastic,” ayon kay Gov. Cane.

Kompara sa Naliyagan 2019, sa 2023 ay malaki ang naging resulta sa pagpatutupad ng mga polisiya.

Kung noon, nasa walong trak araw-araw na basura ang kanilang nakokolekta, ngayong taon dahil sa single-use plastic ban sa Naliyagan, bumaba ito sa tatlo hanggang dalawang trak na lamang.

“The volume of garbage sa Naliyagan Festival 2023 was reduced by 75% as compared to the previous years of hosting the Naliyagan Festival,” dagdag ni Gov. Cane.

Paliwanag ni Gov. Cane, hindi nila idinaan sa sindak ang mga Agusanon para sumunod sa single-use plastic ban.

Hindi rin sila nagpataw ng mahal na multa.

Kundi, idinaan nila sa paliwanag at pakiusap ang pagpatutupad ng polisiya.

“Walang penalty, pero kapag nagpasok ka ng single use plastic halimbawa bottled water, doon palang sa entrance pagbawalan ka na ng security. Kapag hindi ka papayag, hindi ka papasukin,” ani Gov. Cane.

Mas mahigpit naman sila sa mga nagtitinda sa Naliyagan Grounds dahil revocation of permit ang parusa kapag lumabag sa single-use plastic ban.

Nagpakalat naman ng daan-daang trash bin ang provincial government para sa proper waste disposal.

Nasa 600 pulis naman at force multipliers mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang tumulong sa pagpapanatili ng peace and order sa lahat ng mga ganap.

Ngayong taon lamang nakabalik sa full blast ang Naliyagan Festival dahil sa epekto ng pandemya sa mga nagdaang taon.

“So nakita namin, puwede naman pala. It takes political will and it takes cooperation and obedience of the people para mag-succeed ‘yung programa ng gobyerno. And na prove po namin ‘yan, mahirap pero nakaya na natin dahil lahat ay nag-cooperate,” ani Gov. Cane.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter