NAKUHA na ng pamilya ang bangkay ng babaeng miyembro ng communist terrorist group (CTG) na NPA na nasawi sa nangyaring engkuwentro sa Brgy. San Carlos sa bayan ng Gattaran, Cagayan.
Ito ang kinumpirma ni Major Rigor Pamittan, Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Division, Philippine Army.
Aniya mismong kambal ng nasawing NPA ang kumuha sa mga labi nito sa isang punerarya sa bayan ng Gattaran.
Kaugnay rito, nakikipag-ugnayan na rin ang militar sa kung sino pa ang nakakakilala at iba pang kaanak ni alyas Hero na kasama ni alyas Lucia na namatay rin sa engkuwentro upang makuha na ang mga labi nito upang mabigyan ng desenteng libing.
Matatandaan na nitong Disyembre 23, 2023 nang maganap ang engkuwentro sa pagitan ng kasundaluhan ng 95th Infantry Battalion at tinatayang 12 miyembro ng East Front Committee sa ilalim ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley (KRCV) na nagresulta sa pagkasawi ng dalawang rebelde.
Samantala, kasalukuyan pang inaalam ng kasundaluhan ang katungkulan na hinahawakan sa kilusan ng dalawang nasawing NPA.
Naniniwala naman ang kasundaluhan na ang dalawang narekober na dalawang bangkay ng NPA ay iniwan at pinabayaan ng kanilang kasamahan matapos makipagsagupa sa tropa ng pamahalaan.