NASA 50k US dollars ang inaasahang tatanggapin ng bawat LGU sa Pilipinas kasunod ng ginawang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at gobyerno ng India.
Sa panayam kay Interior Secretary Benhur Abalos, ang nasabing tulong ay bunga ng pagkakaibigan ng dalawang bansa at walang anumang kondisyong nakapaloob dito.
Agad namang aasikasuhin ng DILG ang pagdetermina sa mga LGU na makatatanggap ng tulong mula sa India depende sa pangangailangan ng lugar gaya ng kuryente, tubig, pagkain at iba pa.
Personal namang pinasalamatan ni Indian Ambassador His Excellency Shambhu Kumaran ang mainit na pagtanggap sa kanya at nangako ng mas malawak na pakikipagtulungan sa Pilipinas sa abot ng kanilang makakaya.