NANANATILI pa ring negatibo sa anumang banta sa seguridad ng publiko kaugnay sa unang araw ng paggunita ng Semana Santa o Holy Week ng mayorya sa mga Pilipino sa buong bansa.
Ito’y kasunod ng ginawang inspeksiyon ng Philippine National Police (PNP) sa ilang malalaking terminal sa Metro Manila, kasama na ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) dahil na rin sa pagdagsa ng mga pasaherong pauwi sa kani-kanilang mga probinsiya.
Batay sa datos ng pulisya, umakyat na sa mahigit 50 libong PNP personnel ang kanilang ipinakalat para tiyaking magiging mapayapa at maayos ang kabuuang paggunita ng nasabing aktibidad sa bansa.
Patuloy ang pakiusap ng pulisya sa publiko na iwasan ang gumawa ng mga hindi kanais-nais dahil na rin sa mahigpit na pagbabantay ngayong ng PNP lalo na sa mga matataong lugar at destinasyon na madalas dinarayo ng mga turista para magbakasyon.
Pinapayuhan din ang mga bakasyunista na agad na magtungo sa nakahimpil na assistance desk ng PNP para sa mga nakakaranas ng panganib sa buhay o maging sa mga simpleng sumbong.
Gaya ng mga kaso ng pagkawala ng mga bata bunsod ng pagdagsa ng maraming tao sa iba’t ibang lugar.