Bantag, sa korte na lang magpaliwanag at hindi sa media –PNP

Bantag, sa korte na lang magpaliwanag at hindi sa media –PNP

PARA kay Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., mas mainam kung sa korte na lang magpapaliwanag ang suspendidong Bureau of Corrections (BuCor) Chief na si Director General Gerald Bantag.

Kasunod ito ng mga binitawang pahayag at maaanghang na rebelasyon ni Bantag laban kay Justice Secretary Jesus Boying Remulla.

Ayon kay Azurin, may tamang lugar para ipagtanggol ni Director General Bantag ang kanyang sarili, at hindi sa media o sa social media.

Nanindigan ang PNP na tapos na ang kanilang imbestigasyon at naipila na rin ang kaukulang kaso at mga ebidensiya laban sa mga akusado, at isa na rito si Bantag.

Matatandaan, sa pinakahuling panayam ni Bantag sa media, pinaratangan nito si Secretary Remulla na sinungaling kasabay ng pagpapababa nito sa kanyang pwesto.

Bukod sa pagkamatay ni Percy Lapid, isinisisi rin kay Bantag ang tila kapabayaan nito sa loob ng Bilibid kung bakit at paano naisagawa ang transaksiyon sa NBP sa kabila ng mahigpit na seguridad dito.

Bagay na paulit-ulit din itong itinatanggi ng matapang na si Bantag.

 

 

Follow SMNI News on Twitter