HINIKAYAT ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos, Jr. ang mga punong barangay na anyayahan ang mga nasasakupan na suportahan ang ‘Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan’ (BIDA) Program.
Aniya, dapat gawing makabuluhang pagtitipon ang Barangay Assembly Day sa paghikayat sa kanilang constituents na maging ‘BIDA’ advocates at makiisa sa programa.
Ang ‘BIDA’ program ay pagpapaigting ng hakbangin ng pamahalaan laban sa iligal na droga sa tulong ng komunidad.
Ani Abalos, magandang pagkakataon ang Barangay Assembly upang maabot ang kahalagahan ng kooperasyon ng lahat sa paglaban sa iligal na droga.
Sa pamamagitan ng Memorandum Circular No. 2023-032 ng local government code at Proclamation No. 599, series of 2018, ang pagdadaos ng Barangay Assembly Days ay isinasagawa sa bawat semestre ng taon sa alinman sa Sabado o Linggo ng Marso at Oktubre.