Barangay at house to house vaccination, ikinokonsidera ng pamahalaan

IKINOKONSIDERA ng pamahalaan ang pagkakaroon ng barangay at house to house vaccination upang mas maraming pang Pilipino ang mabakunahan laban sa COVID-19.

Ayon kay National Task Force Against COVID-19 chief implementer Carlito Galvez, Jr,  maglalabas aniya ng memorandum ang Department of the Interior and Local Government (DILG) upang mas mapabilis at mas marami ang mabakunahang mga Pilipino.

Ayon kay Galvez, nakikita nilang mas epektibo ito lalo na’t mas madaling makapunta ang mga gustong magpabakuna kumpara sa mga mall na ginagawang vaccination sites.

Pagbabakuna ng booster shots, mas paigtingin vs Omicron variant-NTF

Dagdag ni Galvez na dapat mas paigtingin pa ang pagbabakuna ng booster shots lalo na sa mga nasa NCR upang mas mabigyan ng dagdag proteksyon laban sa mas nakakahawang Omicron Variant.

Binigyang diin naman ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag nang palagpasin ang pagkakataon na magpa-booster lalo na ngayon na madami na suplay ng bakuna sa bansa.

Sa kasalukuyan nasa  101,656,214 na bakuna na ang naiturok sa buong bansa habang higit 44 million na ang fully vaccinated laban sa COVID-19.

Mga LGU, mas pinahahanda ng NTF laban sa banta ng Omicron variant

Matatandaan na muling iginiit ng National Task Force Against COVID-19 na kinakailangang maghanda ng mga lokal na pamahalaan laban sa bagong variant sa pamamagitan ng pagpapaigting ng kanilang COVID response at vaccination program.

Ito ay sa kabila ng pagbaba ng mga naitalang active cases ng COVID-19 sa bansa at kasunod din ng ikatlong kaso ng Omicron variant.

Ayon kay Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez Jr., posibleng minamaliit ng karamihan ang banta ng Omicron na siyang dahilan ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa mga bansang mayroon nang mga kumpirmadong kaso.

Iginiit ni Galvez na kailangang paghandaan ng mga quarantine at treatment facilities ng mga lokal na pamahalaan ang banta ng Omicron.

SMNI NEWS