Barangay kapitan at apat iba pa, arestado sa illegal quarrying sa Laguna

INARESTO ng mga otoridad ang isang barangay kapitan at apat na iba pa dahil sa illegal quarrying na isinagawa sa Balanac River sa Magdalena, Laguna.

Kinilala ang mga suspek na sina Barangay Balanac captain Dennis Olipano, Michael Abad, Randy delos Reyes, Danilo Noriel, at Abner Davac.

Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI) officer-in-charge Director Eric Distor, inaresto ang mga suspek sa sting operation ng Enviromental Crime Division (EnCD) ng ahensiya noong Marso 11.

Nagsimula ang operasyon mula sa impormasyon na umano’y may quarry operations sa nasabing lugar kung saan ay nagawang makipagtransaksyon ang operatiba kay Olipano para bumili ng apat na trak ng boulder sa P17,000 bawat trak.

Isinagawa ang operasyon sa pakikipagtulungan ng NBI-EnCD, Department of Environment and Natural Resources (DENR), at ng Philippine Army 1st Battalion.

Nakuha mula sa mga suspek ang apat na trak na nagkahalagang P6 milyon, 30 cubic meters ng boulder at fabricated screens na tinatayang nasa P43,000 ang halaga.

Sasampahan naman ang mga suspek sa kasong paglabag ng Republic Act (RA) 7942 Section 103 o ang Philippine Mining Act of 1995 at RA 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

(BASAHIN: Quarry operations sa Rizal, iimbestigahan matapos ang matinding pagbaha sa Marikina City)

SMNI NEWS