Baril na nakasilid sa toolbox, nasabat sa checkpoint sa Jaen Nueva Ecija

Baril na nakasilid sa toolbox, nasabat sa checkpoint sa Jaen Nueva Ecija

AGAD na inaresto ng mga awtoridad ang isang lalaki nang walang maipakitang dokumento sa bitbit nitong baril kasunod ng isinagawang checkpoint ng mga pulis sa Brgy. Lambakin, Jaen, Nueva Ecija nitong nakaraang linggo.

Batay sa report, isang motorsiklo na may sidecar ang pinahinto sa checkpoint at nang tingnan ang lisensiya at rehistro ng nasabing tricycle, napansin ng mga pulis ang isang magasin ng baril na may mga bala na nakasilid sa toolbox sa likod ng windshield ng sidecar.

Sa isinagawang pag-iinspeksiyon ay nakita ang mga sumusunod: isang (1) Colt 9mm pistol, dalawa pang magasin para sa 9mm pistol at anim (6) na piraso ng 9mm cartridges.

Agad na hinanapan ng kaukulang dokumento ang driver na kinilalang si Romulo Sarte Jr. at nang wala siyang maipakita ay inaresto siya ng mga pulis dahil sa paglabag sa RA 10591.

Ayon kay PBGen Redrico A. Maranan, Regional Director ng PRO3, ang mga operasyong ito ay patunay ng determinasyon ng kapulisan na labanan ang ilegal na droga at ilegal na pagmamay-ari ng armas.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter