Batalyong SAF troopers sa Davao Region, nilinaw na hindi target ang mga Duterte—PNP PIO

Batalyong SAF troopers sa Davao Region, nilinaw na hindi target ang mga Duterte—PNP PIO

HINDI ang mga Duterte ang target ng pagpapadala ng Philippine National Police (PNP) sa kanilang SAF troopers sa malaking bahagi ng Davao Region.

Kinumpirma mismo ito ng PNP sa panayam ng SMNI kaugnay sa lumabas na mga impormasyon na posibleng may kinalaman sa politika ang pagdeploy ng malaking bilang ng SAF troopers.

Nauna nang kumalat ang muling pagpasok ng International Criminal Court (ICC) sa bansa dahil sa mga reklamo laban kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa ilalim ng drug war campaign nito.

Pero ayon sa PNP, wala itong katotohanan.

“Sir, not true po. As per RD (Regional Director) PRO (Police Regional Office) 11, matagal na po naka-deploy sa Davao Region ang mga SAF po,” ayon kay Col. Jean Fajardo, Chief, PNP-PIO.

Giit ng PNP, hindi ito iba sa mga ipinadalang tauhan ng PNP sa ibang lugar sa Mindanao.

“ISO related deployment po nila like in other Mindanao areas,” aniya.

Pareho ring itinanggi ng PNP na ang presensiya ng SAF troopers sa Mindanao ay hindi para palitan ang 35 Davao City Police na sinibak sa puwesto dahil sa diumano’y involvement nito sa pagkakapaslang sa pitong indibidwal sa ikinasa nilang anti-illegal drugs operation sa lungsod.

“According kay RD ay mali ‘yung mga lumabas na nag-deploy doon ng 2 SAF at matagal na pong merong naka-deploy na SAF doon sa Davao Region at naka-distribute ‘yan sa ibang mga probinsya. Hindi naka-concentrated lang ‘yan sa Davao. So nilinaw ni Gen. Alegre contrary doon sa mga lumabas na statement na nag-deploy tayo ng SAF as a result nitong relief ng 35. Wala pong katotohanan ‘yun,” aniya pa.

Mismong si PNP Chief General Rommel Francisco Marbil ang nagsabi na agad rin nilang ibabalik ang mga tinanggal na pulis-Dabaw oras na matapos na ang kanilang imbestigasyon at mapatunayang wala namang kinalaman ang mga ito sa alegasyong may ginawang iregularidad ang nasabing anti-illegal drugs ops ng Davao City Police.

“Hindi lang po ito minsan nangyari. In fact, mayroon na rin last time, I just want to give you ‘yung Navotas that we have to relieves ng lahat ng tao ng Navotas. That’s investigation para magkaroon po ng partial investigation para hindi po bias. So, after, di ba pagkatapos naman, ‘yung Navotas commander nakabalik naman po talaga. Ganoon rin po mangyayari rito, kung wala naman po silang kinalaman, makakabalik naman sila sa trabaho,” saad ni PGen. Rommel Francisco Marbil Chief, PNP.

Matatandaang nauna nang inalmahan ni Davao City Mayor Baste Duterte ang hakbang na ito ng PNP headquarters at Regional Police Office 11.

Aminado naman ang kapulisan na ang Davao City ang may pinakamababang bilang ng krimeng naitatala sa rehiyon.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter