KAMAKAILAN ay naglabas ng direktiba si Pangulong Rodrigo Duterte para sa agarang pagpapataw ng mga parusa sa ISPs na nagpapahintulot sa paggamit ng kanilang mga platform para sa online child exploitation.
Bilang tugon, inirekomenda ng Department of Justice (DOJ) sa National Telecommunications Commission (NTC) na parusahan ang ISPs na hindi nakakatupad sa kanilang tungkulin sa ilalim ng Republic Act No. 9775 o Anti-Child Pornography Act of 2009.
Patuloy na sinusubaybayan ng NTC at Department of Information and Communications Technology o DICT ang pagsunod ng mga ISP sa nasabing batas, na nag-uutos sa lahat ng mga ISP na ipaalam sa Philippine National Police (PNP) o National Bureau of Investigation ang anumang uri ng child pornography na ginawa gamit ang mga server o pasilidad nito sa loob ng pitong araw matapos makakuha ng mga patunay at pruweba.
Kinakailangan din ang lahat ng mga ISP na mag-install ng magagamit na teknolohiya, programa o software upang matiyak na ang pag-access sa o pagpapadala ng anumang uri ng pornograpiya ng bata ay mai-block o masala.
Samantala, nag-isyu kamakailan ang NTC ng show-cause orders na nagre-require sa mga ISP na hindi sumusunod sa batas na magbigay ng written justification kung bakit ang kanilang paglabag ay hindi dapat bigyan ng parusang administratibo.
Kinakailangan ring dumalo ng mga ISP sa mga hearing.
“The DICT takes the matter of online child sexual exploitation very seriously. We are closely coordinating with the NTC in exploring measures to prevent this and ensure compliance of Telcos and ISPs with the provisions of the law,” pahayag ni DICT Secretary Gregorio Honasan II.
Bukod dito, inilunsad kamakailan ng DICT ang Child Online Safeguarding Policy O COSP na naglalayong magtalaga ng mga mekanismo at pamantayan upang mapangalagaan ang mga bata at kabataan online alinsunod sa pagpapatupad ng Republic Act 10929 o ang Free Internet Access in Public Places Act .