Batayan sa pagdidetermina ng alert level status sa bansa, inamyendahan ng IATF

Batayan sa pagdidetermina ng alert level status sa bansa, inamyendahan ng IATF

NIREBISA ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang metrics na naging batayan ng gobyerno sa pagdideklara ng alert level status ng isang lugar.

Nitong Pebrero 24, inaprubahan ng IATF ang pag-amyenda ng metrics para magdetermina ng COVID-19 alert level classifications sa lahat ng  lugar epektibo sa Marso 1.

Batay ito sa rekomendasyon ng Sub-Technical Working Group (sTWG) on Data Analytics.

“The Inter-Agency Task Force (IATF) on Thursday, February 24, 2022, upon the recommendations of the Sub-Technical Working Group (sTWG) on Data Analytics, amended the metrics for determining alert level classifications of provinces, highly urbanized cities (HUCs) and independent component cities (ICCs),” pahayag ni Secretary Karlo Nograles, acting Presidential Spokesperson.

Sa isang statement, sinabi ni Nograles na sa ilalim ng bagong alert level metrics, ibaba sa Alert Level 1 ang isang lugar oras na makatalima sa sumusunod na parameters.

Una, ang isang lugar ay kailangang nasa klasipikasyon ng low to minimal risk case.

Ikalawa, dapat na mas mababa sa 50% ang total bed utilization rate ng isang lugar.

Ikatlo, ang full vaccination rate ng isang lugar ay dapat nasa 70% na ng kanilang target population.

At ikaapat,  dapat nasa 80% na ang fully vaccinated ang Priority Group A2 o senior citizen population ng isang lugar mula sa kabuuang target population nito.

Upang madetermina ang case classification ng isang lugar, ang Average Daily Attack Rate (ADAR) nito ay dapat na mas mababa sa 6 para maideklara bilang low risk, 6-18 naman para sa moderate risk, at higit 18 naman para sa high risk.

Samantala, kahapon, nagsagawa ng pulong ang IATF patungkol sa magiging alert level status sa Metro Manila at ilang bahagi ng bansa pagsapit ng Marso.

Sentro ng kanilang pag-uusap ang tingnan ang resolusyon na inilabas ng Metro Manila Council (MMC) kung saan nagkasundo na ang mga alkalde sa National Capital Region (NCR) na irekomenda ang pagbaba ng NCR sa Alert Level 1 pagdating ng Marso.

Una nang inihayag ng Malakanyang na maaaring ianunsyo sa darating na weekend ang panibagong estado ng alert level sa Metro Manila at ilan pang lugar.

Follow SMNI News on Twitter