OPISYAL nang idineklara na ‘insurgency free’ o malaya sa rebelyon ang bayan ng Gumaca sa Quezon Province.
Hudyat ito ng isang mas maunlad at mapayapang kinabukasan para sa mga taga-Gumaca.
Takot at pangamba ang bumabalot noon sa bayan ng Gumaca.
Dati kasing guerilla base o pugad ang nasabing bayan ng CPP-NPA-NDF simula noong 1970’s.
Ngunit dahil sa mga hakbang na ginagawa ng national at local government, katuwang ang Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police at iba pang stakeholders ay nagbago ang lahat.
Sa pamamagitan ng whole of nation at whole of government approach sa pagsawata sa insurhensya, nagtayo ng mga kalsada, day care center, water system at iba pang proyekto sa mga liblib na barangay.
Dahilan ito upang pwersang umalis ang mga salot ng bayan sa lugar.
Nobyembre 29, 2021 nang mangyari ang huling engkwentro sa pagitan ng pwersa ng pamahalaan at ng mga makakaliwang grupo, hudyat na patapos na ang paghahari ng CPP-NPA-NDF sa bayan ng Gumaca.
Higit isang taon ang nakalipas, naging mapayapa ang pamumuhay ng taga-Gumaca.
At para opisyal na ideklarang ‘insurgency free’ at wakasan ang local communist armed conflict sa bayan, lumagda sa isang memorandum of understanding ang lokal na pamahalaan ng Gumaca, kasundaluhan, kapulisan at iba pang stakeholders, Miyerkules ng umaga.
Inaasahan na magbibigay-daan ito sa tuluy-tuloy na pag-unlad ng bayan.
Inaasahan ang pagdami ng mga investment opportunity at socio economic development sa bayan, kabilang na ang turismo at iba pang mga proyekto dahilan upang tuluyang umunlad ang bayan ng Gumaca.