BBB program ng Duterte admin, siniguradong ipagpatuloy, pagagandahin ni PBBM

BBB program ng Duterte admin, siniguradong ipagpatuloy, pagagandahin ni PBBM

BINIGYANG-diin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) nito na ipagpapatuloy ng kanyang administrasyon ang Build, Build, Build program na nasimulan ng Duterte admin.

Ayon pa kay PBBM, mananatiling prayoridad ito ng kanyang pamahalaan dahil maliban sa ekonomiya, malaki rin ang ambag nito bilang trabaho ng mamamayan.

Kaugnay nito, sinigurado ng Pangulo na walang ni isa sa mga ginagawang infrastructure projects ang ikakansela.

Kasama sa binanggit ni PBBM ay ang 33-km Metro Manila Subway Project; ang 147-km North-South Commuter Railway System; ang 12-km LRT-1 Cavite Extension; ang 23-km MRT-7; at ang Common Station na magkokonekta ng LRT-1, MRT-3, at MRT-7.

Kabilang din ang 102-km Mindanao Railway Project; Panay Railway Project; Cebu Railway System at iba pa.

Isa naman ang Railway Transit Project sa tinukoy ni PBBM na lalo niyang pagagandahin dahil ito ang pinakamurang uri ng transportasyon para sa mga produkto at pasahero.

Sa hanay ng turismo, ipagpapatuloy ang road improvements at pagpapaganda o pagpatatayo ng marami pang international airports sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.

Tiniyak ni PBBM na ang 5-6% ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa ay patuloy na ilalaan para sa Build, Build, Build program.

Follow SMNI NEWS in Twitter