BBM, hindi dadalo sa COMELEC panel interview

BBM, hindi dadalo sa COMELEC panel interview

TUMANGGING dumalo si presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa presidential panel interview ng Commission on Elections (COMELEC) na itinakda sa Mayo 1.

Ayon sa tagapagsalita ni Marcos na si Attorney Vic Rodriguez, nagpasya ang dating senador na ipagpatuloy ang kanyang naka-iskedyul na election campaign activities sa natitirang halos dalawang linggo bago ang May 9 elections.

Sinabi ni Rodriguez na nagpapasalamat si Marcos sa imbitasyon ng COMELEC kasabay ng pagkilala nito sa kahalagahan ng pagsali sa mga ganitong importanteng aktibidad.

Gayunpaman, pinili aniyang tapusin ni Marcos ang 90-day campaign period sa pagbisita sa kanyang mga tagasuporta at pagsunod sa dating commitments para sa political events gaya ng town hall meetings at political rallies.

Matatandaang hindi rin dumalo si Marcos sa unang dalawang COMELEC Debates na isinagawa noong Marso 19 at Abril 3.

Follow SMNI NEWS in Twitter