NAGHAHANGAD pa rin si presidential frontrunner Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng formal endorsement mula kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte bago ang eleksyon sa ika-9 ng Mayo.
Sa ngayon, sampung araw na lamang bago gaganapin ang general election sa bansa.
Una nang inendorso si BBM ng paksyon ni Energy Sec. Alfonso Cusi PDP-Laban ngunit wala pang pormal na pahayag ang Pangulo kung sino ang kanyang napupusuang kandidato.
Saad naman ni BBM, mahalaga pa rin ang endorsement ni Pangulong Duterte dahil malaki ang tiwala ng mga tao sa kanya.
Sa kabila nito, naiintindihan niya ang Pangulo kung talagang hindi ito mag-eendorso dahil ginawa naman nito ang lahat para sa kanila.
Magugunitang, inendorso rin ng PDP-Laban hindi lang si BBM kundi maging si vice presidential candidate at Davao City Mayor ‘Inday’ Sara Duterte.