MATAPOS ang ilang linggong pagiging tampulan ng tsismis, kinumpirma nina Bea Alonzo at Dominic Roque na totoo ang umuugong na hiwalay na sila.
Sa kanilang joint post sa Instagram noong araw ng Linggo, sabay na nagpahayag sina Bea at Dom na mutual decision ang pagtatapos ng kanilang engagement.
Anila, hindi man nagiging madali ang naturang desisyon pero para mawala na ang napakaraming espekulasyon, tanong at mga pang-iinsulto kaya nagsalita na sila patungkol sa kanilang relasyon at para magkaroon ng peace of mind sila at ang kani-kanilang mga pamilya.
Iginiit din ng dating magkasintahan na walang katotohanan ang mga nagsilabasang balita o kuwento patungkol sa kanila.
At humiling sa publiko sina Bea at Dominic na bigyan sila ng privacy at huwag nang batuhin ng malulupit at masasakit na mga salita sa social media.
Matatandaan na inanunsiyo nina Bea at Dom ang kanilang engagement noong Hulyo 2023 matapos ang mahigit dalawang taong relasyon.