Bed capacity ng hospital, isolation facilities sa Maynila, red flag na

RED flag na ang estado ng hospital at quarantine facilities ng Maynila ayon sa ibinahagi ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa isang Facebook live nito.

Sinabi ng alkalde na sa 304 na kabuuang COVID-19 beds mula sa mga district hospital, 124 dito ay okupado na habang sa 540 naman na mga higaan sa isolation facilities, 393 na dito ang okupado.

Inamin ni Mayor Isko na nakakapangamba na ito at naniniwala syang ang presensya ng COVID-19 variants ang posibleng dahilan ng biglaang pagtaas ng COVID-19 cases.

Tiniyak naman ng Manila Mayor na gagawin nila ang lahat para matugunan ang naturang isyu.

Hanggang kahapon, March 14, 2021, 1, 549 ang active cases ng Maynila.

Samantala, nagpatupad naman ng 30% workforce si Mayor Isko sa Manila City Hall.

(BASAHIN: Manila City,  nagbawas ng workforce dahil sa banta ng COVID-19)

Ito ay bilang pag-iingat sa lumalalang kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Ang hindi kabilang sa 30% workforce policy ay mga tauhan sa anim na district hospital, Manila Disaster Risk Reduction Management Office, Deparment of Public Services, Manila Traffic and Parking Bureau, MHS, at Manila Department of Social Welfare.

Inatasan din ni Mayor Isko si Manila Police District Chief Brig. Gen. Leo Francisco na ikansela ang mga nakatakdang  mag-leave maliban na lamang sa  may ugnayan sa medikal, upang matugunan ang kasalukuyang sitwasyon ng lungsod.

Personal namang bibisitahin ni Domagoso sa para sa random inspection ang lahat ng 897 barangay sa lungsod.

Nangako naman si Domagoso na hindi ito magdadalawang-isip na sibakin ang mga opisyal na pabaya sa kanilang trabaho.

SMNI NEWS