SA ginanap na Performance Report ng Department of Health (DOH) kaugnay ng healthcare system ng bansa noong 2024, iniulat ng ahensiya ang tungkol sa estado ng bed capacity sa mga ospital.
Sinabi ni DOH Secretary Ted Herbosa na kailangang triplehin ang kapasidad ng kama sa mga ospital.
Isinalaysay nito na may 1,300 na mga ospital ang Pilipinas kung saan 10 porsiyento o 155 rito ay matatagpuan sa Metro Manila at urban centers.
Batay sa kanilang ratio per population, sa bawat 1,000 katao, nasa 0.5 hospital bed lamang ang karaniwang bakante o libre. Kaya ani Herbosa, kailangang gawing triple ito sa 1.5 kama kada 1,000 katao.
Ibinahagi ng kalihim na karamihan pa sa mga bakante na hospital bed ay nasa mga pribadong ospital.
“So, if you look at it, dapat i-triple iyan. Iyong 1,300 beds, mas marami ang private kaysa sa public pero sa public mas marami iyong malalaking ospital – so, the big regional medical centers which has more beds or iyong tertiary care facility; kagaya niyang pinapakitang mga facilities, malalaki talaga ang services,” ayon kay Sec. Ted Herbosa, Department of Health.
Gayunpaman, nabanggit ni Herbosa na habang ang mga pribadong ospital ay nag-aalok ng mas malaking bed capacity, ang mga pampublikong ospital naman ay mayroong mas malalaking pasilidad.
“The problem is, sa private, may affordability issue ang mga mamamayan natin kasi mahal. So, 80% ng population pumupunta doon sa 46 percent of the [unclear]. Kaya nga ang reklamo sa akin, nakapila ang mga pasyente sa regional hospital,” saad ni Herbosa.
Hindi lamang hospital bed capacity ang kinakaharap na hamon ng healthcare system ng bansa. Binigyang-diin ng health chief ang higit na pangangailangan ng dagdag na healthcare workers sa mga komunidad sa kanayunan.
Kaugnay rito, ipinahayag ng kalihim ang programa ng DOH na “Espesyalista para sa Bayan.”
“So, lahat ng nag-residency training sa aking 87 hospitals, required silang mag-serve ng one year in district hospitals and LGU hospitals na walang espesyalista. So, nagpapadala kami ng surgeon, anesthesiologist na nag-i-stay doon para mag-serve,” ani Herbosa.
Hinikayat naman ng DOH ang mas maraming mga propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan—kabilang ang mga espesyalista, na isaalang-alang ang paglilingkod sa mga baryo o sa rural areas para mapalakas ang pag-access sa public healthcare system.
“Ang hope namin, matuwa na siya doon at eventually doon na siya mag-practice – parang sa Doctor to the Barrios – some of them eventually—two-year contract lang kasi iyon. After two years, some of them returned to central office; some of them, nag-i-stay na as municipal health officer,” aniya.