PINAYUHAN ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre ‘Bebot’ Bello III ang mga Pilipino na nais pang magpaiwan sa Afghanistan na umuwi na sa Pilipinas.
Ito ay matapos magpalabas ng alert level 4 ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa Afghanistan ng Mandatory Repatriation.
“Pero alam mo naman tayong mga Pilipino, mahilig sa adventure kaya kahit papaano ay may mga iilan mga kababayan natin na ayaw pang umuwi, ‘yung iba nag-cross border lang sila, kung okay na ang situation, babalik na lang sila,” ani Bello.
Bukod pa rito, tiniyak naman ni Bello na ang gobyerno ang gagastos sa kanilang pag-uwi at pagdating nila dito ay may matatanggap silang tulong pinansyal.
Sa kabila nito, inihayag ni Bello na kung ayaw talagang umuwi ng mga Pinoy, hindi na ito kasalanan ng gobyerno kung anuman ang mangyari sa kanila.
Dagdag ni Bello, handa pa ring tumulong ang gobyerno sa kanila kung saka-sakaling may mangyari sa mga ito.