ITINAAS na ng PhilHealth ang kanilang benefit package para sa mga miyembro na magkakasakit ng severe dengue.
Sa kanilang anunsiyo, simula noong Nobyembre 1, 2024 ay epektibo na ang severe dengue benefit package na nagkakahalaga ng P47K.
Mula ito sa dating P16K.
Noong nakaraang linggo ay ibinahagi ng Department of Health (DOH) na bumaba ng 8 percent ang dengue cases sa buong bansa.
Sa datos mula Setyembre 29 hanggang Oktubre 12, 2024, nasa 21K (21,097) lang ang naitalang dengue cases.
Mas mababa ito kumpara sa 23K (23,032) na mga naitalang kaso mula Setyembre 15 hanggang 28.
Subalit sa kabila ng pagbaba ng kaso, sinabi ng DOH na huwag pa rin magkumpiyansa kung kaya’t gawin pa ring regular ang paglilinis sa paligid.