Benepisyaryo ng NHA na naapektuhan ng Bagyong Kristine, makikinabang sa 1-buwang moratorium sa bayarin

Benepisyaryo ng NHA na naapektuhan ng Bagyong Kristine, makikinabang sa 1-buwang moratorium sa bayarin

DAHIL sa pinsalang dulot ng Bagyong Kristine, nagpatupad ang National Housing Authority (NHA) ng isang buwan na moratorium sa pagbabayad ng amortization at lease payments para sa mga benepisyaryo ng pabahay program ng ahensiya.

Ayon kay NHA Corporate Planning Department Manager Cromwell Teves, na siya ring Office-in-Charge (OIC) ng NCR South Sector Office ng ahensiya, layunin nito na magbigay ng ginhawa sa lahat ng mga benepisyaryo ng Pabahay nito na apektado ng Bagyong Kristine.

Dagdag ni Teves, ang moratorium ay hindi na kailangan ng application.

Ito’y dahil awtomatikong i-implementa ang moratorium para sa mga benepisyaryo sa buong bansa mula Nobyembre 1-30, 2024.

Ang pagbabayad aniya ng amortization at lease payments ay mag-uumpisa muli sa Disyembre 1, 2024.

Wala namang ipapataw na delinquency o karagdagang interes sa panahon ng moratorium hanggang katapusan ng Nobyembre.

“So, anumang penalties at interes na naipon, bago November 1 ay muling magsisimula lamang sa December 1, 2024.”

“Ganoon din po ang ating payment ng amortization and lease payments will only resume on December 1, 2024,” pahayag ni Cromwell Teves, Corporate Planning Department Manager & NCR South Sector Office OIC, NHA.

Pagsisikap ng NHA sa pagpapatupad ng mga programang pabahay sa iba’t ibang sektor, nagpapatuloy

Samantala, inihayag ng NHA official na patuloy ang pagsisikap ng ahensiya sa pagpapatupad ng mga programang pabahay sa iba’t ibang sektor ng lipunan.

Isa na rito ang mga ginagawang pabahay sa mga naapektuhan ng South Long Haul project ng Philippine National Railways (PNR) at Department of Transportation (DOTr).

Mahigit 3,500 na pamilya ang makikinabang sa unang segment ng proyekto na matatagpuan sa mga lalawigan ng Laguna at Quezon.

Bukod rito, mayroon ding mahigit 1,500 na housing units na itatayo ng NHA para sa mga pamilya na nasalanta ng pagsabog ng Taal Volcano noong 2020 at 2023.

Inaantabayan na lamang ang pag-release ng pondo para dito mula sa Department of Budget ang Management (DBM).

Pumirma rin ang NHA ng Memorandum of Understanding para sa pagpapatayo ng Dapa Island Residences sa Siargao Island.

“Maliban sa mga bahay po, nakatuon din ang NHA sa pagbuo ng mga sustainable communities, ito ay sa pamamagitan ng NHA Peoples Force Caravan kung saan dinadala po natin ang iba’t ibang serbisyo ng government, kasama na ang private sector sa mga beneficiaries po ng ating mga housing projects sa buong bansa,” dagdag ni Teves.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble