Benepisyo ng granular lockdown kumpara sa total lockdown, ipinaliwanag ng DOH

Benepisyo ng granular lockdown kumpara sa total lockdown, ipinaliwanag ng DOH

MAGIGING mas kapaki-pakinabang sa mamamayan ang ipatutupad na granular lockdown kung ikukumpara sa dating nakagawian na total lockdown ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

Ito aniya ay dahil hindi na isasara ang malalaking lugar at limitado lamang sa lugar na may tinamaan ng COVID-19.

Magiging tuloy-tuloy din aniya ang paggalaw at aktibidad ng mga tao sa mga lugar na hindi mataas ang kaso ng COVID-19 para makapagpatuloy pa rin sa kanilang hanapbuhay at iba pang gawain sa araw-araw.

Sinabi pa ni Vergeire na base sa isinagawang pag-aaral sa mga kaso at restriction nitong mga nakalipas na linggo, hindi naging epektibo ang total lockdown kumpara sa granular lockdown sa buong probinsya o rehiyon para tugunan ang banta ng COVID-19.

Ipinaliwanag pa ni Vergeire na sa ginawang analysis, ang mga nagkakasakit sa bawat lugar sa buong bansa ay iilang barangay lang ang bumubuo ng 80% sa naitalang COVID-19 cases.

Epekto sa ekonomiya ng granular lockdown, malalaman matapos ang 2 linggo

Sisilipin pa ang magiging epekto ng granular lockdown sa ekonomiya kaya’t dalawang linggo itong ipatutupad sa buong Metro Manila.

Ayon ito kay Marikina Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro sa panayam ng Sonshine Radio.

Tiniyak naman ni Mayor Teodoro na magkakaroon ng malinaw na uniformed guidelines para sa buong Metro Manila para sa mas mabilis na pag-monitor sa magiging epekto ng granular lockdown.

Sakaling hindi susundin ng ilang LGU o kaya’y barangay ang napagkasunduang guidelines, posibleng magkaroon rin ng kaukulang sanction para dito.

Gayunman, nilinaw ni Teodoro na kailangang magkaroon ng ‘active case finding’ ang mga LGU para matiyak na magtatagumpay ang ipatutupad na granular lockdown.

Bukod pa aniya sa granular lockdown, muling ipinaalala ng alkalde na mayroon ding programa ang mga Metro Mayor para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 at ito ay sa pamamagitan ng “We Vax As One” project kung saan bukas ang bawat LGU na bakunahan ang mga indibidwal na hindi residente sa kanilang lugar.

 

 SMNI NEWS