Bentahan ng P45-P48/kg na bigas sa mga Kadiwa store, ‘di pa tiyak kung kailan—DA

Bentahan ng P45-P48/kg na bigas sa mga Kadiwa store, ‘di pa tiyak kung kailan—DA

DISMAYADO ang ilang konsyumer ng Kadiwa stores ng Department of Agriculture (DA) matapos hindi itinuloy araw ng Biyernes ang pagbebenta ng P45-P48/kg na well milled rice na una nilang naging pahayag.

30 taon nang construction worker si Kuya Jessie at ang minimum na suweldo sa pagtra-trabaho ay hindi sapat para sa kaniyang pamilya.

Dahil sa sobrang mahal na ng mga bilihin sa merkado ay napapaisip sila kung paano pagkakasyahin ang hawak nilang pera.

Pagdating palang sa bayarin sa tubig at kuryente ay halos maubos na ang kaniyang suweldo.

Di pa nga kasi kasali rito ang budget nila sa pagkain.

Bawas gastos na sana aniya umano kung nakabili siya ng bigas sa Kadiwa store nitong umaga ng Biyernes matapos mabalitaang aarangkada sa Hulyo 12 ang Rice for all program o ang P45-P48/kg na bigas.

Pero sabi ng DA – hindi na muna itutuloy ng ahensiya ang bentahan ng murang bigas.

“(So, hindi ngayong week maam? )Wala pa kaming instructions kasi na this week or next week.  Pero, definitely ready naman tayo to roll it out. Inaayos lang natin ‘yung in terms of logistics of course and ‘yung mga partner natin sa FCA, sa mga coop natin na magbebenta ng bigas. Kasi siyempre magsasabay na diyan ‘yung sa P29 at sa Rice for all,” ayon kay Atty. Genevieve Velicaria-Guevarra, Consumer Affairs and Legal Affairs, DA.

Para kay Kuya Jessie, dapat nang madaliin ng DA ang pagbebenta nito para naman sa mga mahihirap na hindi kwalipikado o pupuwedeng bumili ng P29/kg na bigas.

Hiling naman ng konsyumer na si Lenie – oras na umarangkada na ang programa ay makakabuti kung hindi lilimitahan sa 3 kilo ang dami ng bigas na puwedeng bilhin.

 “Dapat may P45 na bigas diyan tapos hindi dapat 3 kilo dapat lima-lima para sulit ‘yung bumibili sa malayo ‘yung pagpila na diyan ng katagal-tagal tapos 3 kilo lang ang binibigay,” giit ni Lenie Sukli, Mamimili.

Pero si Aling Areo Yap – inirereklamo ang tila kakaibang amoy ng P29/kg na bigas na nabili niya sa bukas na Kadiwa store.

Masarap naman aniya ang bigas pero kailangan mo itong hugasan nang maigi dahil sa kakaiba niyang amoy.

“’Yun lang, kailangan lang talaga na hugasan siya ng tatlong beses na hiluran mo nang maigi para maalis na ‘yung medyo amoy kulob,” giit naman ni Areo Yap, Mamimili.

Una na ring sinabi ng DA na ang P29/kg na bigas sa Kadiwa ay ang mga lumang suplay na bigas ng National Food Authority (NFA) na bagaman luma ay pupuwede pa naman anilang konsumuhin.

Ikinukonsidera din ngayon ng DA sa ilalim ng Rice for all program na itaas pa sa higit 10 kilo ang maaaring mabiling bigas ng kada household.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble