BFAR, kinukondena ang diumanoy iligal na pangingisda ng Chinese vessels sa WPS

KINUKONDENA ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang posibleng iligal na pangingisda at mga kaugnay na gawain sa West Philippine Sea (WPS).

Kasalukuyang binabantayan ng National Task Force for the West Philippine Sea at ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang diumanoy nagaganap na overfishing ng mga Chinese vessels.

Giit ni Usec. Eduardo Gongona, National Director ng BFAR na mahalaga ng WPS bilang isang palaisdaan para sa libu-libong kababayang mangingisda.

Dapat lang aniya itong pagyamanin at bigyang proteksyon sa anumang gawaing sumisira sa likas na yaman nito.

Sa layon na mapangalagaan ang mga kababayang mangigisda at ang West Philippine Sea, nagsagawa ang ahensya ng Comprehensive Maritime Exercises kasama ang Philippine Coast Guard sa naturang karagatan.

BFAR: Mayaman ang Pilipinas sa lamang-dagat

Kaugnay nito ay sinabi ng isang grupo ng mga siyentista na maaaring gumuho ang industriya ng palaisdaan ng bansa kung patuloy pa rin ang iligal na pangingisda ng mga Tsino sa West Philippine Sea.

Pero giit ni Gongona na hindi ito makakaapekto sapagkat mayaman ang bansa sa mga lamang-dagat.

Ani Gongona na isa sa mayayamang bahagi ng karagatan ng bansa ang municipal waters na siyang pinakapangunahing lugar ng pangitlugan at tirahan ng mga isda.

Batay sa ulat ng BFAR sa taong 2020, tinatayang nasa higit 324,312 metric tons ang fish production sa West Philippine Sea kung saan nakaambag ito ng 7.36% sa produksyon sa buong sektor ng pangisdaan sa bansa.

(BASAHIN: Pamamalagi ng Chinese vessels sa Julian Felipe Reef, nakaaalarma — ex-DILG secretary)

SMNI NEWS