SINABI ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente na hindi nangongolekta ang kanilang ahensya ng kahit na anong “Immigration Assistance Fee” mula sa mga foreign nationals.
Ito ang inihayag ni Morente matapos na mapag-alaman ng BI na may isang Philippine-based company na naniningil ng fee sa mga empleyado nito na pawang mga banyaga, para sa immigration assistance.
Hindi naman pinangalanan ng ahensya ang naturang kompanya.
Ayon kay Morente, ang kompanyang ito ay naniningil ng 5,000 piso rin para sa airport assistance fee at panibagong 5,000 piso rin para sa processing fee, at 20,000 pesos para sa invitation letter ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa ngayon ay pinag-aaralan na ng BI ang mga posibleng legal na aksyon laban sa kompanya.
Binalaan din nito ang publiko na manatiling alerto laban sa mga scam.