MAHIGPIT na nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa mga kompanya at indibidwal na nagbibigay ng silungan o trabaho sa mga dayuhan na walang wastong dokumento.
Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado, hindi magdadalawang-isip ang naturang ahensya na magsampa ng kaso laban sa sinumang lalabag sa section 46 ng Philippine Immigration Act of 1940.
Binigyang-diin ng Bureau of Immigration na sinumang tumutulong sa mga ilegal na dayuhan na manatili sa Pilipinas ay haharap sa parusa.
Sabi ni Commissioner Viado na malinaw ang batas, at walang pagbubukod.
Ipinangako ng BI na ipatutupad nito ang mga batas sa imigrasyon para sa pambansang seguridad at pampublikong kaayusan.
Hindi lamang ito tungkol sa pagsunod sa batas, kundi para rin sa integridad ng sistema ng imigrasyon at para matiyak na ang mga may lehitimong dahilan lamang ang pinapayagang manatili sa bansa.
Ang babala ay kasunod ng naunang anunsyo ng BI hinggil sa paparating na deportasyon ng mahigit 11,000 dating POGO workers na hindi nakaalis ng Pilipinas bago ang deadline noong Disyembre 31, 2024.
Ang mga indibidwal na ito ay dating empleyado ng mga kumpanyang POGO na binawi na ang lisensya, kaya ilegal na ang kanilang pananatili sa bansa.