Bicam puwede pang magpulong kahit tapos na ang session

Bicam puwede pang magpulong kahit tapos na ang session

MAAARI pang magpulong ang Bicameral Conference Committee kahit naka-adjourn na ang Kongreso at tapos na ang legislative calendar.

Ito ang sagot ni Senate Minority Leader Koko Pimentel kung papaano pa mareremedyuhan ang 2025 budget bill na umani ng batikos mula sa kaniyang mga kapwa senador.

Ipinunto ni Pimentel, ang natatapos lang naman ngayong linggo ay legislative calendar at puwede pa rin silang mag-overtime at hindi na mag-holiday.

Batay sa legislative calendar, ngayong linggo o hanggang Biyernes, Disyembre 20 na lamang ang sesyon ng Senado at Kamara at magbabalik na lamang sila sa Enero 12 ng susunod na taon.

Matatandaan na marami ang nanawagang ibalik sa Bicam ang 2025 national budget bill dahil sa pagtanggal sa P12B budget ng Department of Education (DepEd) para sa computerization program habang lumobo sa P1.113T ang budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Samantala, giit ni Pimentel na hindi kailangang lagdaan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ang 2025 national budget bago Disyembre 31 at maaaring kahit sa Enero na kung ito ang kailangan para magkaroon ng tamang budget para sa susunod na taon.

Nauna namang inanunsiyo ng Palasyo na hindi muna pipirmahan ni BBM sa Biyernes ang P6.352T na proposed national budget para sa susunod na taon.

Ang hakbang ay para pangunahan ng pangulo ang assessment hinggil sa naturang panukalang budget.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble