MADALING araw pa lang ay inaasahan nang dadagsa ang mahigit sa 12 libong mga kalahok para sa “Fun Run Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan” ng Department of Interior and Local Government (DILG) at sa gabi ay mapupuno ang lansangan dahil sa Bangusan Street Party -ang Kalutan Ed Dalan sa Dagupan City -lahat ng ito ay magaganap sa darating na Linggo, Abril 30.
Tuwa at pasasalamat ang nadarama ni Dagupan City Mayor Belen T. Fernandez matapos na mapili ang kanilang lungsod para pagdausan ng “Fun Run Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan o Bida Fun Run ng DILG sa pangunguna ni Sec. Benhur Abalos bilang bahagi ng kampanya kontra iligal na droga ng pamahalaan.
“Alam niyo this will be his fourth na “Fun Run Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan”. Ako’y natutuwa at nagpapasalamat po na napili ang Dagupan City na isang lugar ng kanyang campaign awareness anti-drug activities. Ito ho ay magkakaroon ng dalawang stage isang three kilometer, isang five kilometer,” saad ni Mayor Belen T. Fernandez, Dagupan City.
Aabot sa mahigit 12 libo ang lalahok sa nasabing aktibidad matapos lumampas na sa target na 10 libo ang nagparehistro ilang araw bago ang kaganapan.
Kabilang sa lalahok sa BIDA Fun Run ay mula sa iba’t ibang civic organizations, mga estudyante, business sectors, at marami pang iba.
Ayon kay mayora, nakahanda na ang mga libreng t-shirts, bottled drink waters para sa mga tatakbo at iba pang mga freebies maliban dito ang prizes para sa mananalo sa fun run.
May payo naman si mayora para sa mga lalahok sa BIDA Fun Run ngayong linggo.
“Mas maganda although the run will start at six, I suggest they come at about four or four thirty not later than five sana kasi imagine the distribution of t-shirts, dami noon. Pero magsi-set up kami ng maraming tables. We will do our best to make it very organized nakakahiya naman kay secretary,” dagdag ni Mayor Belen.
Magkakaroon din ng 8 medical team sa kahabaan ng De Venecia Highway at mga water station para sa mga kalahok sa pinakamalaking fun run ng lungsod.
Dagdag dito, magpapakalat din ang lungsod ng mahigit 400 pulis para sa seguridad ng lahat ng tao mula sa BIDA Fun Run ng umaga hanggang sa street party ng gabi.
Sa hapon ay magsimula ang engrandeng selebrasyon ng Bangusan Street Party ang ‘Kalutan Ed Dalan’ na dadagsain ng iba’t ibang sikat na banda, artista, personalidad, at mga sikat na vlogger.
Binigyang-diin naman ng mayora ang istriktong pagbabawal ng pagdaos ng street party sa ibang lugar maliban sa De Venecia Highway para maiwasan ang kaguluhan at masikip na trapiko sa downtown ng lungsod.
“Kaya nga po binabawal po natin, strictly I told the PNP walang gagawin na ibang kalutan or party sa downtown or anywhere but except De Venecia Highway. So pag may gagawa niyan, ay huhulihin po natin,” ani pa Mayor Belen.
Ibinahagi rin ni Mayor Fernandez ang inaasahang pagdating ng mga diplomat sa lungsod na malaking bentahe para maging international ang Bangus Festival ng Dagupan City.