INILUNSAD sa Agusan del Norte ang programa na “Buhay Ingatan Droga’y Ayawan” (BIDA) na pinangunahan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos.
Nagsimula ang aktibidad sa ginawang BIDA fun run na ginanap sa Butuan City Sports Complex kung saan dinaluhan ito ng mga tauhan mula sa iba’t ibang sangay ng gobyerno.
Kasabay rito, nagkaroon naman ng BIDA-dance kung saan nagpapakita ito ng suporta para sa nasabing programa.
Kasunod nito ay nagkaroon ng programa na ginanap sa Dotties Place Butuan City kung saan, tinatayang 1-K katao ang dumalo.
Sa nasabing programa ay binigyan-diin ni DILG Sec. Benhur Abalos ang layunin ng BIDA program.
Ani Abalos, layunin ng nasabing programa na palakasin pa ang paglaban sa ilegal na droga na siyang sumisira sa kinabukasan ng bawat isa at nagdudulot ng maraming krimen sa bansa.
Giit ni Abalos, naniniwala siyang kayang labanan ang pagkalat muli ng ilegal na droga basta nagkakaisa ang bawat mamamayan.
“Importante ang tiwala ng ating mga mamamayan sa gobyerno, importante ang tiwala sa pulis, importante ang tiwala sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dahil ang laban na ito magkakasama tayong lahat. Magmula sa barangay, sa mayor, sa lahat hindi puwedeng mawala especially all we have the role to play here and I tell you this, maganda na ang samahan ngayon. that is why we have this BIDA program.”
“Hindi lang ito tao ng pulis, ng PDEA, ng NBI, trabaho din ito sa baba ng gobyerno ng barangay captain, alam niya kung sino ang gumagamit kaya nga sabi ko kay General Labra, ‘yung nagtutulak kausapin ninyo kundi ikukulong natin lahat,” ani Abalos.