Big-time oil smugglers sa bansa, pinangalanan ni Sen. Tulfo

Big-time oil smugglers sa bansa, pinangalanan ni Sen. Tulfo

PINANGALANAN ni Senator Raffy Tulfo ang ilang big-time oil smugglers sa isang pagdinig sa Senado.

Ibinunyag ni Sen. Tulfo ang umano’y ilan sa mga big-time smuggler ng langis sa bansa habang isinasagawa nito ang consultative meeting na may kinalaman sa implementasyon ng fuel marker program.

Ilan sa mga pinangalanan niya ay si Don Rabonza na kilalang-kilala aniya sa Navotas; Sonny Qiu, Jackie Chu, Aron Uy at Lindon Tan na kilala raw sa Batangas at Sariaya, Quezon.

Binanggit din niya ang pangalang Alex Chua, Bogs Violago and Jong Mangundadatu at Dondon Alahas na kilala naman daw sa Mariveles, Bataan.

Sinubukan ni Tulfo na tanungin ang Bureau of Customs (BOC) kung kilala nila ang mga ito pero ayon kay BOC special agent Anthony Escandor, hindi siya pamilyar sa mga pangalan.

Ayon naman kay Tulfo, reliable ang source niya sa mga inilabas niyang pangalan ng mga smuggler.

Sa katunayan daw, ang ilan sa mga ito ay nasa radar na ng BOC pero nanatili aniyang bulag ang mga taga Customs.

Ginisa rin ng senador ang mga taga Customs sa kakaunting tao na kanilang nasasampahan ng kaso pagdating sa smuggling.

Sa report, mula sa mahigit 7 libo na hindi nakapasa sa fuel marker ay iisa lang ang nasampahan ng kaso ng BOC.

Ang fuel marker project ay inilunsad noong taong 2019 para markahan ang mga langis na bayad na at ang mga nakapasa sa field test para hindi makalusot ang mga oil smuggler.

Hindi rin pinalagpas ng senador ang hindi pagsipot ni Commissioner Yogi Felimon Ruiz sa pagpupulong at iba pang opisyal.

Matatandaan na maging sa ibang pagdinig ng Senado, hindi nagagawang makapunta ng mga matataas na opisyal ng mga ahensya.

 

Follow SMNI News on Twitter