KINUMPIRMA ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na hawak na ng Philippine National Police (PNP) ang isang big-time onion smuggler sa bansa.
Sa isang pahayag, ayon sa kalihim na sa bisa ng Arrest Warrant mula sa Manila Regional Trial Court ay naaresto si Jayson de Roxas Taculog nitong Miyerkules sa Batangas.
Hinuli ang suspek dahil sa paggamit ng pekeng import permits at misdeclaration sa mga kargamento.
Nahaharap ito sa kasong paglabag sa Republic Act 10845, o Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.
Punto ng DA Chief, hindi sila hihinto sa pagtugis sa mga smuggler na sumasabotahe sa sektor ng Agrikultura.
“Umpisa pa lang si Taculog. Sa tulong ng pulis, korte at lokal na pamahalaan, patuloy na tutugisin ng Department of Agriculture ang mga smuggler at sumasabotahe sa ating sektor,” saad ni Francisco Tiu Laurel Jr., Secretary, DA.
Oras na mapatunayang guilty, posibleng maharap si Taculog sa habambuhay na pagkakakulong.
Bukod diyan, mapapatawan din ito ng multa na doble pa sa halaga ng pinuslit nitong agricultural products kasama pa ang penalties.
“Isa sa mga utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na habulin ang mga smugglers at hoarders. Agad nating inaksyunan ang direktibang ito ng Pangulo,” saad ni Francisco Tiu Laurel Jr., Secretary, DA.
Pagbibigay-diin pa ng kalihim, sinisira ng mga smuggler at hoarder ang kabuhayan ng maliliit na magsasaka at mangingisda.
“Sinasamantala nila ang mga Pilipinong consumer sa mataas na presyo ng pagkain,” dagdag ni Laurel.
Matatandaang, sa magkakahiwalay na operasyon ng DA, Philippine Coast Guard (PCG), at Bureau of Customs (BOC) mula Disyembre 2022 hanggang nitong Enero ay aabot sa ₱78.9-M halaga ng illegally imported agricultural goods ang nasabat ng mga awtoridad.
Ito ay nakumpiska sa Manila International Container Port (MICP) at naka-consign sa Taculog J International Consumer Goods Trading.
DA, bubuo ng guidelines kontra hoarding at pagmamanipula ng presyo
Samantala, naglabas naman ng Special Order No. 1379 series of 2023 ang ahensiya.
Ito ay para sa pagtatatag ng isang technical working group na siyang bubuo ng mga palatuntunan laban sa hoarding at iba’t ibang uri ng pagmamanipula sa presyo ng mga produktong agrikultura sa bansa.