Bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas, nadagdagan ng mahigit 4,000

Bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas, nadagdagan ng mahigit 4,000

UMABOT na sa 194,252 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong COVID-19 cases sa bansa.

Ito ay matapos makapagtala ang Deparment of Health (DOH) ng 4,686 na karagdagang kaso kahapon, Agosto 24.

Ayon sa DOH, pinakamalaking naitalang bagong kaso sa National Capital Region na may 2,519.

Sinundan ito ng Laguna na may 286; Cavite na may 218; Bulacan na may 189 at Rizal na may 179 na bagong kaso.

Samantala, sa nasabing bilang ng confirmed cases ay 59,200 dito ang active cases.

Nasa 729 naman ang nadagdag sa recoveries kung kaya’t pumalo na sa 132,042 ang kabuuang bilang ng mga gumaling sa covid-19.

Habang umabot na sa 3,010 ang bilang ng mga nasawi sa sakit matapos itong madagdagan ng 13.

Sinabi ng DOH na 35 duplicates ang inalis mula sa total case count matapos ang verification.

Overseas Filipinos na may COVID-19 cases, nasa 10,003

Samantala, umabot na sa 10,003 ang bilang ng mga Pilipino na nagpositibo sa COVID-19 sa ibang bansa.

Ito ay matapos makapagtala ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng 19 na bagong kaso ng coronavirus sa mga Pilipino na nasa Middle East.

Sa datos ng DFA as of August 24, sa kabuuang bilang ng confirmed cases ay 3,247 ang patuloy na nagpapagamot.

Nasa 6,014 naman ang bilang ng mga gumaling matapos makapagtala ng 61 new recoveries sa Asia and The Pacific, Europe at Middle East.

Habang nasa 742 na ang death toll matapos makapagtala ng siyam na nasawi sa Middle East.

Pinakamarami pa rin na tinamaan ng COVID-19 ang mga Pilipino na nasa Middle East na nakapatala ng 6,946 na kaso.

Sinundan ito ng Europe na may 1,158 overseas Filipino na may COVID-19: Asia Pacific Region na may 1,107 cases habang 792 sa Amerika.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.