UMAKYAT na sa 216 ang kabuuang bilang ng kaso ng Delta variant sa bansa matapos iniulat ng Department of Health (DOH) na may 97 kaso pa nito ang na-detect sa pinakahuling genome sequencing.
Ayon sa DOH 88 dito ay local cases, anim ay returning overseas Filipinos, habang ang tatlo ay inaalam pa kung local case ba o ROF.
Ang panibagong local cases ay naitala sa Region 1 na may isang kaso, Region 3 at Region 4A na parehong may anim na kaso, sa Region 6 na may tatlong kaso, sa Region 7 na may mahigit 30 kaso, Region 8 na may sampung kaso, Region 11 na may dalawang kaso at Metro Manila na may 25 kaso.
Sa Delta variant cases naman na mga ROF, dalawa rito ay mga seafarer mula sa Mt Clyde at Barge Claudia na kasalukuyang nakadaong sa Albay, habang ang apat ay mga crew member ng MV Vega na mula sa Indonesia.
Saad ng DOH sa 97 panibagong na-detect na kaso ng Delta variant, 94 rito ay nakarekober na habang ang tatlo ay binawian na ng buhay dahilan para umakyat sa walo ang kabuang bilang ng mga nasawi dulot ng naturang variant.
Ayon sa kagawaran patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahlaan para sa iba pang impormasyon ng mga kaso tulad ng kanilang vaccination status.
“The DOH is coordinating with the respective local government units to determine other information, such as exposure and vaccination status,” pahayag ng DOH.
Samantala, muling bumalik sa “moderate risk” classification ang Pilipinas dahil sa mga pagtaas ng mga kaso matapos ang halos isang buwan na idineklara ito “low risk” para sa COVID-19 ayon sa DOH.
“We’re now seeing increase in cases this mid-July…. national cases saw an increase in the recent week,” ani DOH Usec. Maria Rosario Vergeire.
Ayon kay Vergeire, tumaas sa 1% ang growth rate ng kaso mula sa -10% growth rate noong nakaraang linggo.
Ang average daily attack rate naman ay kasalukuyang 4.96 cases per 100,000 population.
Mula Hulyo 22 hanggang Hulyo 28 umakyat sa 6,029 ang average cases ng bansa, mas mataas ito ng mahigit limang libong average ng nakaraang linggo.
Sa kabila nito saad ng DOH, nanatiling nasa “safe zone” ang national utilization rate ng mga ospital at intensive care unit.
Matatandaang sa unang bahagi ng buwan ng Hulyo, inuri ng DOH ang Pilipinas bilang “low risk” sa COVID-19 matapos bumaba ang mga kaso.
Nagbabala naman si Dr. Rabrindra Abeyasinghe, ang country representative ng World Health Organization (WHO), na hindi pa napapahanon para sa ilagay sa naturang klasipikasyon ang bansa dahil sa banta ng mga mas nakakahawang COVID-19 variants.
Dagdag ni Abeyasinghe posible ring maghatid ito ng maling menshae sa publiko at magresulta ng mas mababang pagsunod sa minimum public health standards.
Sa Luzon, naobserbahan ang pagtaas ng mga kaso sa Ilocos Region, Cagayan Valley, at Central Luzon habang may pagbaba naman ng kaso sa MIMAROPA at Bicol Region.
Plateauing o walang dagdag o bawas sa naitatalang COVID-19 cases sa Cordillera Administrative Region at sa CALABARZON.
Sa Visayas naman, nakitaang ng mabilis na pagtaas ng mga kaso ang Central Visayas habang dahan-dahan namang bumaba ang bilang ng naiimpeksyon sa Western at Eastern Visayas.
Sa Mindanao, tumataas ang mga kaso sa Northern Mindanao, wala namang pagbabago sa SOCCKSARGEN habang ang natitirang bahagi nito ay bumababa na ang COVID-19 cases.
Samantala, sa National Capital Region (NCR), patuloy ang pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19.
“After a slow decline in the past weeks, case trend in ‘NCR Plus’ areas are now showing continuous increase in number of cases,” pahayag ni Vergeire.
Ayon kay Vergeire, labing isang lungsod ang patuloy na nakakapagtala ng positive two-week case growth rate ngunit pinanindigan ng health official hindi pa rin ito matatawag na surge.
“This should be a cause for concern as NCR has been at negative two-week growth rate for weeks before the current week,” ayon kay Vergeire.
Ang Makati, Las Piñas at Pasay ay klasipikado bilang high risk areas dahil sa mataas na ADAR o hospital ICU utilization rates.
Sa tatlong lungsod, may pinakamataas na ICU utilization rate ang Las Pinas hanggang Hulyo 28, sunod naman ang Makati at Quezon City.
BASAHIN: 153 na kaso ng ‘locally-transmitted’ Delta variant, naitala sa Nanjing, China