Bilang ng mga dumalo sa INC Peace Rally, pumalo na sa mahigit 1.5 milyon

Bilang ng mga dumalo sa INC Peace Rally, pumalo na sa mahigit 1.5 milyon

PASADO alas-singko ngayong hapon nang magtapos ang isinagawang Peace Rally sa Quirino Grandstand dito sa Maynila at sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sinabayan ito ng mahigpit na pagbabantay ng PNP hanggang sa pagtatapos ng aktibidad.

Batay sa datos ng PNP, umabot sa 1.58 milyon na ang bilang ng mga dumalo sa naturang rally sa buong bansa.

Kabilang na rito ang Ilagan City sa Isabelaa sa Region 2, Puerto Princessa City sa Region 4A, Sawangan Park sa Albay sa Region 5, Freedom Grandstand Bacolod City sa Region 6, SRP Grounds sa Cebu City sa Region 7.

Gayundin sa Ormoc City Plaza sa Leyte para sa Region 8, Pagadian City Proper sa Region 9, Plaza Divisoria sa Cagayan de Oro sa Region 10, San Pedro Square sa Davao City sa Region 11 at Butuan City Sports Complex sa Region 13.

Samantala, nakiisa sa malawakang pagtitipon ng Iglesia ni Cristo (INC) ang ilang tagasuporta ni Vice President Sara Duterte sa Quirino Grandstand, Maynila.

Dumating sa lugar ang Inday Para sa Bayan Movement para magbigay suporta para kay VP Sara kasama na ang pagkondena sa isinusulong na impeachment ng mga mambabatas.

Ayon sa grupo, hindi sila pabor sa plano ng mga kalaban ni VP Sara dahil maayos naman daw na nagtatrabaho ang Pangalawang Pangulo at mas mainam na magtrabaho nalang sa kamara ang mga kongresista.

Iginiit rin ng grupo na di sila naniniwala na may korapsiyon sa tanggapan ng Bise Presidente lalo na sa usapin ng Confidential Funds nito.

Anila hindi matatawag na confidential kung isisiwalat ni VP Sara kung saan at sinu sino ang intel personnel nito.

Nauna nang sinabi ni Vice President Sara na isang pagwawaldas lamang ng pera ang impeachment laban sa kanya habang nais lamang aniya pagtakpan ang mga tunay na nangyayari sa bansa ang ginagawang panggigipit nito sa bise president.

Sa kabuuan, generally peaceful o payapa ang naging rally ng INC sa iba’t ibang panig ng bansa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble