KINATATAKUTAN ng isang labor group na maaaring lumala ang bilang ng mga mawawalan ng trabaho sa bansa ngayong taon kung hindi ito gagawan ng aksyon ng pamahalaan.
Ayon sa Federation of Free Workers (FFW) President Sonny Matula, maaaring mas dumami ang bilang ng mga manggagawa na mawawalan ng trabaho kumpara noong nakaraang taon kung hindi popondohan ng pamahalaan ang mga job facilitation programs.
Sinabi ni matula na kung walang suporta mula sa pamahalaan, marami sa mga small and medium enterprises (SMEs) ang hindi makakaligtas mula sa pagkalugi dahil na rin sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Umaapila si Matula sa pamahalaan na dagdagan ang pondo upang masolusyonan ang unemployment dahil sa kung hindi ito panghihimasukan ng pamahalaan, aniya ay mas lalong babagsak ang ekonomiya at magsasara ang mga maliliit na negosyo at mas lalong maghihirap ang mga manggagawang mawawalan ng trabaho.
Sinabi naman ni Matula na nagpasa na ang labor groups ng proposed programs na isasama sa National Employment Recovery Plan na kasalukuyang ginagawa ng Department of Labor and Employment.
Pagpapadali ng online business registration, ipinanawagan
Samantala, ipinanawagan ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda sa Committee on Regulatory Relief ang pagpapadali ng proseso sa registration ng maliliit na online business.
Bukod pa dito, umapela din si Salceda na tanggalin na ang ipinataw na registration fees ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Paliwanag ng mambabatas, maraming small-time online business owners ang nagnanais na gawing lehitimo ang kanilang negosyo ngunit nahihirapan sa proseo ng mga licensing agencies.
Sa ngayon, kinakailangan pang humarap sa 10 ahensiya bago mairehistro ang isang negosyo kung saan tumatagal ng hanggang 33 araw bago makumpleto ang proseso.
Ang Committee on Regulatory Relief ay binuo sa ilalim ng Bayanihan 2 upang magtukoy ng private sector project na kwalipikadong mapagkalooban ng regulatory relief.