Bilang ng mga na-rescue sa isang POGO hub sa Porac, Pampanga umakyat na sa 158— PAOCC

Bilang ng mga na-rescue sa isang POGO hub sa Porac, Pampanga umakyat na sa 158— PAOCC

SA listahang ibinigay ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ay nasa 402 na mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) ang kanselado na, pero mahigit 100 dito ay nag-ooperate pa rin.

Ito ngayon ang tinatrabaho ng PAOCC kung saan pagkatapos ng operasyon sa Bamban, Tarlac, ay sumugod naman ito sa isang POGO hub sa bahagi ng Porac, Pampanga pagkatapos makatanggap ng video at impormasyon na may nagaganap na torture at sex trafficking sa POGO Hub doon.

Ayon kay PAOCC Spokesperson Dr. Winston John Casio, ang mga impormasyon ay nakumpirma ng komisyon na nagbigay-daan para puntahan nila ang lugar.

“May mga na-received po kami na mga videos na diumano may mga torture victims ng mga kalalakihan, mga kababaihan diyan po sa Lucky South 99 diyan po sa Grand Plaza Royal, diyan nga po sa Porac, Pampanga. Meron din pong isang video ng isang babae na siya po ay hubot hubad doon sa video na diumano’y siya ay pinagsasayaw para ibenta online. At lahat daw po ‘yan ay nangyari sa Lucky South 99. Dahil po doon, kami po ay nagkasa ng mga tinatawag nating surveillance. Na-confirmed nga namin. Na-validate na may ganoon nga na mga pangyayari,” ayon kay Dr. Winston John Casio, Spokesperson, PAOCC.

Ayon sa report, ang POGO hub na ito ang may pinakamalala at pinakamasamang reputasyon.

“Allegedly po ayon sa foreign nationals dito sa buong Pilipinas na nagtratrabaho sa iba’t ibang gaming agency, itong Lucky South 99 na tinatawag nilang Parke 3, ito raw po ay pinakatalamak, pinaka-prolific, pinakamasamang ilegal na POGO at scam farm sa gitna po ng patayan,” wika ni Dr. Winston John Casio, Spokesperson, PAOCC.

Ayon kay Casio, umakyat na sa 158 na mga foreign national ang nasagip doon. Mayroon din silang nasagip na mga Pilipino.

Karamihan sa mga nasagip nilang foreign national ay mula sa China, Vietnam, Malaysia, at Myanmar.

“158 na po as of ngayon. Noong initial po ay 157 foreign nationals po ‘yan. Saka 29 na Pinoy pero kahapon nadagdagan ng 7 Pilipino nakatakas doon sa compound. Kaninang madaling araw, may nadagdag na isa na namang Chinese national, bugbog sarado. Nakatakas kaninang madaling araw sa compound na ‘yan. In fact, hindi lamang siya bugbog sarado, nakaposas siya at sinira ang kama kung saan siya nakaposas kaya siya nakatakas,” dagdag ni Casio.

Ang biktima sa isang video ng torture doon ay hindi na nasagip ng PAOCC at maaaring hirap na silang makakuha ng ebidensiya para sa pagkamatay ng biktima.

“Sa kasamaang palad, kami po ay nakatanggap ng reports na yong lalaki na biktima ng pambubugbog doon sa videos na naging basis din po ng aming pagsasagawa ng operasyon na ito ay patay na po. Amin pong hinahanap ang kaniyang katawan pero kami po ay nakatanggap ng report na sa kasamaang palad, ang katawan niya po ay crinamate. So medyo mahirap na po tayong makahanap ng ebedensiya pagdating doon sa pagkapatay sa kaniya. Maliban na lamang kung ating mahuhuli o makakapagturo kung sino ang pumatay sa kaniya,” ayon pa kay Casio.

Follow SMNI NEWS on Twitter