DUMARAMI na ang bilang ng mga Pilipinong handa at nais magboluntaryong magpabakuna kontra COVID-19.
Ito ang inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Spokesperson Jonathan Malaya batay sa kanilang isinagawang serye ng webinars katuwang ang Department of Health (DOH).
Ani Malaya, lumabas sa resulta ng entry at exit polls sa lahat ng limang town hall session na kanilang isinagawa na dumarami ang trend ng mga kalahok na nais magpabakuna laban sa COVID-19.
Nangangahulugan aniya ito na epektibo ang ikinakasang seminars ng DILG at DOH na naglalayong mapataas ang vaccine confidence ng publiko.
Dahil dito, hinikayat ni Malaya ang lahat ng local government units (LGUs) na magsagawa rin ng sariling town hall sessions at community engagement activities sa kanilang mga sinasakupan upang mapataas ang kumpiyansa ng kanilang mga residente sa bakuna.
Umaasa rin si Malaya na magbubunga ang pagsusumikap na ito ng DILG at DOH ng ripple of effects sa kabuuang populasyon ng bansa.
Matatandaan na isa sa tinuro ni Pangulong Rodrigo Duterte si Vice President Leni Robredo na lumikha ng duda sa vaccination program ng pamahalaan partikular na sa Sinovac vaccine.
(BASAHIN DIN ITO: Robredo, lumikha ng duda sa Sinovac vaccine rollout —Duterte)
Ito’y kaugnay sa panawagan noon ni Robredo na suriin ng Health Technology Assessment Council (HTAC) ang CoronaVac COVID-19 vaccine ng Sinovac.
Ayon kay Duterte, ‘disservice’ ang ginawa ni Robredo sa publiko kung saan pinalilitaw nito na hindi sinunod ng gobyerno ang regulatory process para sa mga bakuna.
Diin ng Pangulo, isang recommendatory lamang ang HTAC review at hindi na kailangan pa para sa vaccination roll out ng gobyerno.
Dagdag pa ng Pangulo na imbes tumulong sa gobyerno na magbigay ng tiwala sa tao kaugnay sa Sinovac vaccine ay ginulo pa raw ni Robredo ang lahat.
Hiling naman ni Duterte kay Robredo na manahimik na lamang ito kung hindi ito sigurado sa kanyang mga pahayag.