Bilang ng mga Pinoy na walang trabaho, bumaba nitong Hulyo – PSA

Bilang ng mga Pinoy na walang trabaho, bumaba nitong Hulyo – PSA

BUMABA ang unemployed persons o bilang ng mga nasa labor force na walang trabaho o negosyo nitong Hulyo 2022.

Ito ang iniulat ni National Statistician at Civil Registrar General, Undersecretary Dennis Mapa ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa ginanap na press conference kaugnay ng July 2022 Labor Force Survey.

Ani Mapa, bumaba sa 2.6 million ang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho o katumbas ng 5.2% unemployment rate.

Higit na mas mababa ang naturang bilang kumpara sa 3.23 million noong Hulyo 2021 at mas mababa rin kaysa noong Abril 2022 na nasa 2.76 million.

Kaugnay dito, 5 rehiyon sa buong bansa ang nagtala ng unemployment rate na mas mataas kaysa sa national forecast — ang National Capital Region (NCR) na may 6.9%, CALABARZON na may 6.3%, Western Visayas na may 6.0%, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na may 5.6%, at Northern Mindanao na may 5.3%.

“Ang National Capital Region (NCR) ang nakapagdala ng pinakamataas na unemployment rate na nasa 6.9% samantala ang Region 2 (Cagayan Valley) naman ang nakapagtala ng may pinakamababa na unemployment rate na nasa 2.8%,” ani Usec. Dennis Mapa.

Samantala, iniulat din ng PSA na nasa 94.8 percent ang employment rate nitong Hulyo 2022.

Tinatayang mas mataas ito kaysa noong Abril 2022 na nasa 94.3 percent at higit na mas mataas kumpara noong Hulyo 2021 na nasa 92.8 percent.

Sa employment rate, ang Region 2 o Cagayan Valley ang nakapagtala ng pinakamataas na nasa 97.2 percent, habang ang Metro Manila naman ang may pinakamababa na nasa 93.1 percent nitong Hulyo 2022.

“Kumpara noong Abril 2022, tatlong rehiyon ang nakapagtala ng pagbaba sa employment rate nitong Hulyo 2022, ito ay ang Western Visayas, Zamboanga Peninsula at Northern Mindanao,” pahayag ni Usec. Mapa.

Ang top 5 major industries na may pinakamalaking pagtaas sa employment ay ang wholesale at retail trade; agriculture and forestry; accommodation and food service activities; administrative and support service activities; at construction.

Base rin sa Labor Force Survey para sa July 2022, 65.2% na labor participation rate ang naitala ng PSA.

Ito ay katumbas ng 49.99-M Pilipino na nasa workforce nitong buwan ng Hulyo.

Sa kabilang banda, ang BARMM ang may pinakamababang labor force participation rate na nasa 60.3 percent.

“Ang Region 12 (SOCCSKSARGEN) ang nakapagtala ng may pinakamataas na labor force participation rate na nasa 73.4% sa kabilang banda ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay pinakamababang labor force participation rate na nasa 60.3%,” pahayag ni Usec. Mapa.

Ang pagkalap ng datos para sa Hulyo 2022 Labor Force Survey ay ginawa sa loob ng 20 araw, ito ay mula Hulyo 8-30, ngayong taon.

 

Follow SMNI News on Twitter