Bilang ng mga Pinoy na walang trabaho, lumobo noong Abril 2024

Bilang ng mga Pinoy na walang trabaho, lumobo noong Abril 2024

BAGAMA’T tumaas ang bilang ng mga Pilipinong may trabaho nitong Abril, wala pa ring hinto ang paglobo ng bilang ng mga walang trabaho sa nasabing buwan.

Mula sa dalawang milyong walang trabaho noong Marso, tumaas ito sa 2.04 milyon nitong Abril, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Karamihan sa mga walang trabaho ay nasa sektor ng agrikultura.

“Karamihan dito ay mga crop farm laborers. They are in the farms. In a way whether ‘yung production kasi nakita natin ‘yung production noong sa first quarter sa crops in particular, bumaba. So, pwede dahil sa impact ng El Niño, because the production was lower, you have decrease in employed,” saad ni Usec. Claire Dennis Mapa, National Statistician.

Mga Pinoy na naghahanap ng dagdag trabaho, sumirit sa halos 2-M nitong Abril

Dumami rin ang mga Pilipinong under-employed o mga naghahangad ng dagdag na oras sa trabaho o naghahanap ng iba pang trabaho para mas madadagdagan ang kita noong Abril.

Tumaas ang underemployment sa mga sektor ng wholesale and retail trade, agrikultura partikular na sa coconut industry, at sa mga restaurant.

Sabi ng PSA, maraming Pilipino ang hindi nakukuha bilang mga fulltime na manggagawa.

“Minsan, dahil ‘yung demand ay hindi ganoon kataas, pwede nga na ‘yung mga workers niya ay magkaroon siya ngayon ng adjustments sa mga schedules kaya doon nagkakaroon ng impact, ang tinatawag nating underemployed. Basically, it depends on the demand of the product ng ating firm,” dagdag ni Mapa.

Mataas na inflation, hadlang sa paghahanap ng fulltime jobs—ekonomista

Pero para sa isang ekonomista, isa sa mga nakikita niyang problema kung bakit hindi na kayang kumuha ng mga employer lalo na ng mga maliliit na negosyante ng mga fulltime na mga manggagawa ay dahil sa kondisyon ng ekonomiya ng bansa.

“Hindi na sila makapag-afford na makapaghire ng fulltime na mga manggagawa, kundi puro part time na lang. Kumbaga mas maiksing oras na lang ang kaya nilang mabayaran doon sa kanilang mga empleyado na hinahire dahil sa kondisyon ng ating ekonomiya na nagmamahal ang presyo ng mga bilihin,” pahayag ni Dr. Michael Batu, Ekonomista.

Partikular na tinukoy ni Dr. Michael Batu na nagpapahirap sa mga employer ay ang mataas na cost of production galing sa cost of inputs partikular na ang kuryente na aniya ay hindi lang kulang ngunit mahal pa.

“Nagbra-brown out na, ang laki pa ng binabayaran sa kuryente. Napakamiserable nun,” ayon pa kay Batu.

Pero sabi ni Batu, ang bumubuo talaga ng malaking porsiyento sa ekonomiya ng bansa ay ang mga nasa informal sector.

Sila ‘yung may mga trabaho pero walang natatanggap na benepisyo at hindi tumatanggap ng minimum na sahod.

Dahil sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa, nagtataka tuloy ang ekonomista kung ano na ba ang nangyari sa mga pledges na dala-dala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. mula sa kaniyang mga biyahe sa iba’t ibang bansa na umano’y magbibigay ng maraming trabaho sa mga Pilipino.

“Kung mayroong sufficient na hanapbuhay ang ating mga kababayan na nakakapagbigay sa kanila ng mataas na sahod, hindi natin maririnig ‘yung mga reklamo ng ating mga kababayan na kapag tumataas ang presyo ng mga luya o bawang, hindi na sila makabili ng luya at bawang,” ani Batu.

Mga Pilipino, uhaw na uhaw na sa pagbabago ng kanilang kabuhayan—consumers group

Para sa isang consumers group, hangga’t hindi seryosong tinutugunan ng gobyerno ang problema sa trabaho, ay hindi hihinto ang krisis na kasalukuyang nararanasan sa bansa.

“Dapat iyan talaga ang may agarang solusyon, radikal na solusyon ang kailangan ng gobyerno dahil uhaw na uhaw na po, hindi na makapaghintay ang gutom na mga Pilipino sa kasalukuyan no, para mabago ang kanilang kabuhayan, umangat ang kanilang kabuhayan, at sumaya ang kabuhayan bilang Pilipino,” saad ni RJ Javellana, Founder, United Filipino Consumers & Commuters.

Follow SMNI NEWS on Twitter