Bilang ng mga tumatawag sa One Hospital Command Center, tumaas

Bilang ng mga tumatawag sa One Hospital Command Center, tumaas

TUMAAS ang bilang ng mga tumatawag sa One Hospital Command Center (OHCC), ang COVID-19 referral center ng bansa.

Ito ayon kay COVID-19 Treatment Czar at OHCC head Undersecretary Leopoldo Vega ng Department of Health (DOH).

Aniya, noong unang linggo ng Disyembre, nasa 98 hanggang 112 tawag lamang kada araw ang natatanggap ng OHCC.

Pero, pagsapit ng huling linggo ng Disyembre hanggang ngayong Enero, tumataas ng mahigit 1,120 tawag ang kanilang natatanggap.

Mas mataas ang naturang bilang kumpara noong last wave noong Setyembre kung saan umabot sa 780 hanggang 800 ang tumatawag.

“Ito dahil sa mga bagong bilang na ngayon mataas na masyado ay talagang gumagrabe iyong number of calls,” pahayag ni Vega.

Karamihan o 60 percent ng mga tawag na ito, ani Vega, ay naghahanap ng quarantine o isolation facilities o nagpapa-assist sa home isolation.

Samantala, nasa 15% lamang ang tawag na natatanggap ng OHCC para sa referrals sa hospital at para sa intensive care unit services.

“Ito ngayong January, nakita natin iyong mga tawag mostly on the isolation facilities, home isolation at saka kukonti na iyong referrals namin, nasa mga 15% iyong referrals namin for the hospital and for the intensive care unit services,” aniya pa.

Pahayag pa ng health official, hindi ito katulad noong last wave ng COVID noong Setyembre 2021 na karamihan sa nakukuha nilang tawag ay para sa referral sa hospital sa intensive care units at problema sa distribusyon ng oxygen supply.

Nagsimula ang OHCC noong 2020 na may layuning gawing mabisa, mabilis at maginhawa ang pagtugon sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.

Ito naman ang hotline numbers ng one COVID referral center sa 0919-977-3333 o 0915-777-7777 or 886-505-00

Ayon sa pamahalaan, malaki ang kontribusyon ng OHCC para mapadali ang koordinasyon kung saan sa bawat tawag na tinatanggap ay agad itong natutugunan at naitatalaga sa DOH-accredited hospitals at quarantine facility.

Follow SMNI News on Twitter