Bilang ng nagkatrabaho sa Pilipinas, tumaas nitong Abril—PSA

Bilang ng nagkatrabaho sa Pilipinas, tumaas nitong Abril—PSA

TUMAAS pa sa higit 95% ang employment rate sa bansa nitong Abril batay sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Araw ng Biyernes ay inihayag ng PSA na batay sa kanilang pinakahuling labor force survey, umakyat sa 95.5% ang employment rate sa bansa.

Katumbas ito ng higit 48 milyong katao na may edad 15 pataas na nakahanap na ng trabaho.

Bahagyang mas mataas ito kung ihahambing noong Enero 2023 na may employment rate na 95.2% at 94.3% na employment rate noong Abril 2022.

Kabilang naman sa mga sektor na nakaambag sa pagtaas ng employment rate noong Abril ay wholesale at retail trade, accommodation and food services, administrative and support services, transportation, at others services activities na kinabibilangan ng domestic services, wellness, personal services.

Siyam naman na rehiyon sa bansa ang nagtala ng pagtaas sa employment rate kung saan nangunguna ang Cagayan Valley na may 97.6% employment rate.

Sa usapin naman ng mga Pilipinong walang trabaho, naitala ng PSA ang 4.5% na unemployment rate nitong Abril na katumbas ng 2.2 milyong katao sa bansa.

Mas mababa naman ito kumpara sa 2.37 milyong Pilipino na walang trabaho noong Enero 2023 at 2.76 milyon naman ang naitala ng Enero 2022.

Bumaba ngayon ang taong may trabaho na ngunit naghahanap pa ng dagdag na trabaho.

Mula 14.1% noong Enero 2023 ay umabot na ito sa 12.9% nitong Abril na may katumbas na 6.20 milyong katao.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter