Bilang ng pasaherong nakabenepisyo sa service contracting program, pumalo na sa higit 168-M

Bilang ng pasaherong nakabenepisyo sa service contracting program, pumalo na sa higit 168-M

PUMALO na sa 168,890,556 pasahero sa bansa ang patuloy na natatamasa ang libreng sakay sa pamamagitan ng service contracting program ng pamahalaan.

Ito ay mula noong Abril 11-Agosto 30, 2022, kung saan naibsan ang gastusin ng mga pasahero dahil sa libreng transportasyon.

Una na ring tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) na may sapat pang pondo para tugunan ang pangangailangan ng mga pasahero, driver, at operator ng libreng sakay.

Magtatagal ang libreng sakay sa EDSA Carousel hanggang sa Disyembre at magdedepende kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. kung ipagpapatuloy ang service contracting program hanggang sa susunod na taon.

Kasunod nito, sinabi ni Atty. Cheloy Garafil, chairperson ng LTFRB, hamon pa rin sa kanila ang pamamahagi ng fuel subsidy sa mga tricycle.

Mayroon pa rin kasing hindi tugma ang kanilang mga account sa ibinigay na listahan ng DILG.

“Kunti na lang ang hindi naipapamigay, mga 3 percent na lang. Mga hindi nag-match ang mga pangalan nila doon sa mga accounts nila,” pahayag ni Garafil.

Ani Garafil, base sa listahan na ibinigay ng DILG na higit 16,000 benipisyaryo ay higit 11,000 tricycle drivers na ang nakatanggap ng fuel subsidy.

“‘Yung 4,000 plus, ibabalik ulit namin ‘yung listahan kasi hindi nag-match pa din ‘yung mga accounts eh at saka ‘yung mga pangalan saka marami pa ring double entries. As of now, we are waiting for the additional lists from the DILG ‘yung ating mga beneficiaries para ma-process ulit natin sa LTFRB,” ayon kay Garafil.

Inaasahan namang maibibigay sa susunod na taon ang P2.5 bilyon na pondo na ilalaan pa rin ng LTFRB para sa pamamahagi ng fuel subsidy.

Sinabi pa ni Garafil, tapos nang mabigyan ng fuel subsidy ng pamahalaan ang mga jeepney operators at bus at maging ang mga delivery rider.

Follow SMNI News on Twitter