Bilang ng mga Pilipinong walang trabaho noong Enero, umabot sa 4 milyon

UMABOT sa 4 milyong mga Pilipinong walang trabaho noong Enero 2021 ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) na mas mataas sa 3.8 milyong walang trabaho na naitala noong Oktubre 2020.

Ang nasabing bilang ay katumbas sa 8.7% unemployment rate dulot ng pagsara ng mga negosyo sa kasagsagan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Sa kabuuang populasyon ng 15-taong gulang pataas, ang porsyento ng labor force ay nasa 60.5% noong Enero, mataas kung ikumpara sa 58.7% ng nakaraang Oktubre.

Samantala, mayroong 6.6 milyon katao ang underemployed o may trabaho ngunit naghahanap ng karagdagang kita upang maabot ang pangangailangan sa araw-araw.

Sa ngayon, isinasagawa na ng PSA ang labor force survey kada buwan hindi kagaya sa mga nakaraang taon kung saan isinagawa ito sa kada ika-apat na bahagi ng taon.

Ito ay upang mas lalong matutukan ang kondisyon ng labor market sa kalagitnaan ng krisis ng COVID-19.

Inaasahan naman ng pamahalaan na babalik ang karagdagan pang mga trabaho ngayong taong 2021 ngunit aminado din ang gobyerno na milyong mga Pilipino ang nahulog sa kahirapan dulot sa pandemya ay mananatiling mahirap.

SMNI NEWS