Bilang ng walang trabaho sa bansa, bumaba nitong Oktubre 2022 –PSA

Bilang ng walang trabaho sa bansa, bumaba nitong Oktubre 2022 –PSA

BUMABA ang bilang ng mga Pinoy sa bansa na walang trabaho o negosyo na naghahanap at available magtrabaho nitong Oktubre 2022.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 2.24 milyon ang unemployed persons noong Oktubre, mas mababa sa 2.60 milyon noong Hulyo 2022 at higit na mas mababa rin kumpara noong Oktubre 2021 na nasa 3.50 milyon.

Habang ang unemployment rate ay naitala sa 4.5 percent, mas mababa kumpara sa naitala noong Oktubre 2021 at Hulyo 2022 na nasa 7.4 at 5.2 percent.

Sa populasyon na 15 taong gulang pataas, ang bilang ng nasa labor force o mga indibidwal na employed o unemployed ay naitala sa 49.35 million nitong Oktubre 2022.

Ito ay mas mababa kumpara sa naitalang bilang noong Hulyo 2022 na nasa 49.99 million ngunit mas mataas naman kumpara sa naitala noong Oktubre 2021 na nasa 47.33 million.

Nitong Oktubre 2022, 43,641 ang total sample households na na-survey ng PSA habang 43,521 ang total sample households na na-survey noong Hulyo 2022 at 43,181 noong Oktubre 2021.

Samantala, naitala sa 47.11 milyon ang employed persons o bilang ng may trabaho o negosyo sa Pilipinas nitong Oktubre 2022.

Ito ay mas mababa ng 285,000 kaysa sa naitala noong Hulyo 2022 na nasa 47.39 milyon, ngunit mas mataas naman kumpara sa bilang noong Oktubre 2021 na nasa 43.82 milyon.

Sinabi ng PSA na ang employment rate nitong Oktubre 2022 ay nasa 95.5 percent.

Ito ay tinatayang mas mataas kaysa sa naiulat noong Hulyo 2022 na nasa 94.8 percent at higit na mas mataas kumpara noong Oktubre 2021 na nasa 92.6 percent.

Samantala, ang bilang ng underemployed noong Oktubre 2022 ay tinatayang nasa 6.67 milyon, mas mataas ng 130,000 kung ikukumpara sa naitalang bilang ng underemployed noong Hulyo 2022 at mas mababa nang 371,000 kumpara sa bilang ng underemployed noong Oktubre ng nakalipas na taon.

Habang ang underemployment rate nitong Oktubre 2022 ay tinatayang nasa 14.2 percent, mas mataas kumpara sa nai-report noong Hulyo 2022 na nasa 13.8 percent ngunit mas mababa naman kumpara noong Oktubre 2021 na nasa 16.1 percent.

Follow SMNI News on Twitter