Bilateral relation sa pagitan ng Pilipinas at KSA, muling pinagtibay

Bilateral relation sa pagitan ng Pilipinas at KSA, muling pinagtibay

MULING pinagtibay ang bilateral relation ng Pilipinas at Kingdom of Saudi Arabia (KSA).

Nangako si Foreign Affairs Secretary Enrique A. Manalo na palalalimin ang kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at bansang Saudi Arabia.

Nakipagpulong si Secretary Manalo kay H.H. Prince Faisal bin Farhan Al Saud, Minister of Foreign Affairs ng Kingdom of Saudi Arabia sa pagbisita nito  sa Pilipinas kahapon.

Nagpaabot ng pasasalamat si Manalo sa Foreign Minister at binanggit na ang lalim ng relasyon ng PH-KSA ay makikita sa maraming antas.

Bilang tugon sinabi ni Prinsipe Faisal na ang KSA ay handang ipagpatuloy ang pakikipagtulungan sa Pilipinas sa mga usaping mahalaga sa dalawang bansa.

Tinalakay ng dalawang opisyal ang iba’t ibang larangan ng pagtutulungan para palakasin ang bilateral relations ng Pilipinas at Saudi Arabia.

Sa kasalukuyan ayon sa DFA mayroong  humigit-kumulang 860,000 manggagawang Pilipino ang nasa KSA at ito rin ang may  pinakamalaking bilang sa Gitnang Silangan.

Mamayang hapon magbibigay pa ng karagdagang detalye ang DFA kaugnay sa pagpupulong ng dalawang bansa.

Samantala, nag-courtesy call din ang Foreign Minister kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa Malakanyang.

Ayon kay Pangulong Marcos, nagpapasalamat ito sa pagpapahalaga ng Saudi government sa kapakanan ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Saudi Arabia.

Nais ni Pangulong Marcos na mas pagtibayin pa ang bilateral relation ng Pilipinas sa KSA at palawakin ang kolaborasyon partikular na sa green energy, digital infrastructure, at agriculture.


Follow SMNI NEWS in Twitter